Hinikayat ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga abogado na huwag lamang tumuon sa kliyente, kaso, o pangalan, kundi sa mas malalim na layunin at dahilan ng kanilang propesyon.
Ito ang mensahe ng Senate Minority Leader sa blessing at dedication ng bagong law office ng pastor-lawyer na si Jeremiah Belgica at kanyang mga partner noong Abril 15.
Bilang isa ring abogado, sinabi ni Cayetano na may mas mahalagang batayan ang pagiging abogado kaysa sa tagumpay o impluwensya.
“The Lord Jesus said, ‘Seek first My Kingdom and righteousness, and everything shall be added unto you,’” wika niya.
Ayon sa senador, hindi dapat umikot sa laki ng kaso o bigat ng kliyente ang direksyon ng isang abogado, kundi sa kung ano ang tama at nararapat gawin.
“Don’t seek VIPs (very important persons). Seek very important believers – VIBs, not VIPs. Don’t seek those big cases, those big clients, et cetera. Just seek God’s righteousness and his kingdom,” ani Cayetano.
Dagdag pa niya, kung maayos ang direksyon ng isang abogado, susunod na lamang ang pag-unlad sa propesyon kahit hindi ito pilitin.
Binigyang-diin din ni Cayetano na hindi sapat ang batas at pulitika upang matugunan ang mga suliranin ng bansa, dahil may mas malalim umano itong pinagmumulan.
“Our problem is not legal. Our problem is not political. There’s an oil crisis, but our problem is not just economic or financial. Our problem is [also] spiritual,” aniya.
Ayon pa sa kanya, kapag natugunan ang ugat ng mga problemang ito, mas magiging posible ang solusyon sa iba’t ibang larangan.
“When we solve that, the doors of heaven will just open and the political, economic, and social solutions will come,” dagdag niya.
Sa huli, hinikayat ni Cayetano ang mga abogado na isabuhay ang kanilang paniniwala sa araw-araw na gawain.
“Be the salt and light in everything,” wika niya. (Niño Aclan)
