Fake news sa kalusugan ni Marcos pinabulaanan; ‘katotohanan ang nanaig’ - Opisyal

Pinabulaanan ang kumalat na maling impormasyon tungkol sa kalusugan at umano’y pagkamatay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa isang opisyal.

Sa isang pahayag, sinabi ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) at iba pang organisasyon, na nauwi sa malawakang kampanya ng disimpormasyon ang mga usap-usapan na nagsimula sa social media, ngunit napatunayang walang katotohanan.

Binigyang-diin niya na personal na nakita ang Pangulo sa paggunita ng Araw ng Kagitingan kung saan aktibo itong dumalo at ginampanan ang kanyang tungkulin. Aniya, ang mga kumalat na larawan at video ay kuha mismo noong araw na iyon at hindi lumang materyal.

Dagdag pa niya na mismong ang Pangulo ang nagpakita ng kanyang kalagayan sa harap ng media nang siya ay mag-ehersisyo at tumakbo sa loob ng Malacañang, bilang patunay na wala siyang iniindang malubhang karamdaman.

“Hindi na maitatanggi ang katotohanan. Ang mga patuloy na nagpapakalat ng maling impormasyon ay hindi na basta nagkakamali. Sinasadya nilang iligaw ang publiko at dapat silang managot,” ani Goitia.

Ayon pa sa kanya, nakababahala ang ganitong uri ng disimpormasyon dahil maaaring magdulot ito ng kalituhan sa publiko at ilihis ang atensyon mula sa mahahalagang isyu.

Sa kabila nito, iginiit ni opisyal na nananatiling nakatuon ang Pangulo sa kanyang tungkulin, kabilang ang pagtugon sa krisis sa langis sa pamamagitan ng mga hakbang tulad ng pagsususpinde ng excise tax sa LPG at kerosene.

Binigyang-diin din niya na ang pagpapakalat ng maling impormasyon, lalo na tungkol sa isang nakaupong Pangulo, ay may kaakibat na pananagutan sa ilalim ng umiiral na batas tulad ng Cybercrime Prevention Act at Revised Penal Code.

“Tama na. Hindi maaaring ituring na malayang pananalita ang fake news kung ito ay ginagamit upang manlinlang at magdulot ng kaguluhan. Kailangang managot ang mga nasa likod nito,” dagdag pa ni Goitia.

Nanawagan din siya sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nababasa online at huwag basta magbahagi nang hindi ito beripikado.

Sa huli, iginiit ni Goitia na malinaw ang katotohanan—buhay at aktibo ang Pangulo at patuloy na nagsisilbi sa bayan—habang ang mga kumalat na maling balita ay tuluyan nang napabulaanan. (Marisa Son)

Verified by MonsterInsights