PCO maglulunsad ng website para sa pagre-report ng fake news

Inanunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) ang planong paglulunsad ng isang website o online platform kung saan maaaring i-report ng publiko ang mga kaso ng misinformation at disinformation na kumakalat sa social media at iba pang digital platforms.

Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi kukunsintihin ng ahensya ang paglaganap ng fake news at sisiguruhing may pananagutan ang mga mapatutunayang lumalabag.

“Gagawa ang PCO ng isang website o isang platform kung saan niyo isusumbong lahat ng fake news na nagkakalat at ‘yan ay hindi namin tutulugan at lahat ‘yan ay dapat sampahan ng kaso,” ani Castro.

Matatandaang inilunsad ng PCO noong Marso ang Oplan Kontra Fake News, kabilang ang pagtatatag ng Anti-Fake News Desk kung saan maaaring magsumbong ang mga mamamayan ng kahina-hinalang impormasyon para sa beripikasyon at posibleng aksyon ng mga kaukulang ahensya.

Kaugnay nito, siyam na pangunahing pahayagan—kabilang ang BusinessMirror, BusinessWorld, The Daily Tribune, Malaya Business Insight, Manila Bulletin, Manila Standard, The Manila Times, Philippine Daily Inquirer, at The Philippine Star—ang lumagda sa isang Memorandum of Understanding kasama ang PCO upang palakasin ang kampanya laban sa maling impormasyon.

Ayon kay PCO Secretary Dave Gomez, makatutulong ang kolaborasyong ito upang mapalakas ang pagpapakalat ng beripikadong impormasyon, maibalik ang tiwala ng publiko, at mapaigting ang media literacy at critical thinking ng mamamayan.

Samantala, noong Abril 7, ini-refer ng PCO sa Department of Justice (DOJ) ang hindi bababa sa tatlong insidente ng “fake news” para sa imbestigasyon, kaugnay ng pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa sitwasyon ng enerhiya sa bansa.

Nagbabala rin si Gomez na maaaring harapin ang legal na aksyon ng sinumang magpapakalat ng maling impormasyon laban sa First Family.

Sa parehong briefing, pinabulaanan ni Castro ang mga kumakalat na fake news hinggil sa kalusugan ng Pangulo at sa umano’y kawalan ng aksyon ng pamahalaan, iginiit na “kitang kita natin kung papaanong gumalaw ang Pangulo at kung papaano magtrabaho ang gobyerno.” (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights