SISIMULAN na ng Department of Education (DepEd) ang paglalabas ng mga year-end incentives para sa mga kawani nito, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Saklaw nito ang Service Recognition Incentive (SRI), Productivity Enhancement Incentive (PEI), Collective Negotiation Agreement (CNA) incentive para sa mga kwalipikadong personnel, at gratuity pay para sa mga contract-based workers.
Sa kabuuan, nasa 1 milyong DepEd employees sa buong bansa ang saklaw ng incentive package, kung saan tatanggap ang mga guro at non-teaching personnel ng PhP20,000 SRI at Php5,000 PEI. May karagdagang PhP10,000 CNA incentive naman ang mga non-teaching staff, habang ang Contract of Service at Job Order workers ay makakatanggap ng hanggang PhP7,000 na gratuity pay, depende sa haba ng kanilang serbisyo.
Alinsunod sa opisyal na guidelines ng Department of Budget and Management (DBM), ilalabas ng DepEd ang SRI sa dalawang tranche, simula sa unang tranche ngayong Disyembre. Aabot ang initial release ng hindi bababa sa PhP10,000 at hanggang PhP14,500 kada eligible employee. Ilalabas ang natitirang balanse pagkatapos maaprubahan ang request para sa modification ng allotments.
Kasama sa mga entitled sa SRI ang mga DepEd personnel na may regular, contractual, at co-terminus appointments sa central, regional, division, at school offices.
“Nagpapasalamat kami sa mga guro at kawani ng DepEd na patuloy na nagpapatakbo ng ating sistema ng edukasyon,” ani Education Secretary Sonny Angara.
“Kayo ang dahilan kung bakit malaki ang budget ng edukasyon, at tungkulin naming tiyakin na ito ay nagreresulta sa benepisyo at serbisyong karapat-dapat sa inyo,” dagdag ng Kalihim.
Hiwalay namang ilalabas ng DepEd ang PEI para sa mga kwalipikadong personnel, alinsunod sa Executive Order No. 201. Layon ng PEI na makatulong sa pagpapabuti ng productivity sa serbisyo publiko at dagdag itong ibinibigay sa iba pang bonuses at incentives.
Magkakaloob din ang DepEd ng gratuity pay para sa mga manggagawang naka-Contract of Service at Job Order, na may halaga mula PhP4,000 hanggang PhP7,000, depende sa haba ng serbisyong naibigay sa loob ng taon, at ilalabas ng Central Office at mga regional offices ayon sa kani-kanilang arrangements.
Bukod dito, magbibigay rin ang DepEd ng PhP10,000 CNA incentive sa mga kwalipikadong non-teaching personnel na may regular, contractual, at co-terminus appointments.
Bagama’t nakalaan na ang pondo ngayong taon, nakatakdang gawin ang release ng CNA incentive sa Enero 2026.
Ayon kay Angara, bahagi ang mga insentibong ito ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng DepEd na kilalanin ang kontribusyon ng mga guro at kawani sa buong public school system, kasabay ng pagtitiyak na ang mga release ay nananatili sa loob ng aprubadong budget limits at umiiral na budget management policies. (LB)
