“Ito ay isang makasaysayang pamumuhunan sa edukasyon at malinaw na pahayag ng ating mga prayoridad,” sabi ni Senador Win Gatchalian, kasabay ng pagbibigay-diin na tatanggapin ng sektor ng edukasyon ang pinakamalaking bahagi ng pambansang pondo para sa susunod ba taon.
Sa inaprubahang 2026 budget ng Bicameral Conference Committee, ₱1.38 trilyon ang inilaan para sa edukasyon, katumbas ng 4.5% ng GDP, ang pinaka-unang pagkakataong tumugon sa pamantayan ng UNESCO.
“Hindi lamang tayo namumuhunan sa mga numero, namumuhunan din tayo sa mga silid-aralan, nutrisyon, at learning materials,” ani Gatchalian. Tatanggap ang Department of Education ng ₱961 bilyon, kabilang ang ₱85 bilyon para sa mga pasilidad ng basic education at pagtatayo ng 35,000 na bagong silid-aralan.
Naglaan din ang bicam-approved budget ng ₱25.6 bilyon para sa School-Based Feeding Program, na sasaklaw sa lahat ng Kindergarten at Grade 1 learners sa loob ng 200 araw, at ₱19.5 bilyon upang matiyak ang sapat na mga aklat at iba pang instructional materials para sa mga mag-aaral.
“Mula basic education hanggang higher education at skills training, pinatitibay natin ang buong learning pipeline,” ani Gatchalian. Tatanggap ang Commission on Higher Education (CHED) ng ₱47.7 bilyon, kabilang ang panimulang pondo para sa pagtatayo ng mga bagong medical school sa mga state universities and colleges.
Naglaan din ng budget na ₱26 bilyon para sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kabilang ang pondo para sa Training for Work Scholarship Program na layong magsanay ng 190,000 Pilipino sa mga high-demand na sektor tulad ng healthcare, artificial intelligence, semiconductors, at creative industries.
