MUNTINLUPA CITY — Sa darating na Oktubre 20, 2024, gaganapin ang End Polio Now: A Benefit Fun Run sa Filinvest City, Alabang. Ang kaganapang ito ay pinangunahan ng Rotary International District 3830, sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador Prescy Yulo at sa pakikipagtulungan ni Ram De Mesa, ang Chair ng End Polio, layunin nitong makalikom ng pondo at palakasin ang kamalayan tungkol sa polio, isang sakit na patuloy na nagbabanta sa mga bata.
Mula nang simulan ang proyekto ng pagbabakuna sa mga bata sa Pilipinas noong 1979, nakatulong ang Rotary at ang kanilang mga kasosyo na bawasan ang mga kaso ng polio sa buong mundo ng 99.9%. Sa kabila ng malaking progreso, mahalaga pa rin ang suporta ng publiko upang tuluyang ma-eradicate ang sakit na ito.
Ayon kay De Mesa, ang fun run na ito ay hindi lamang para sa mga mahilig tumakbo kundi para rin sa mga pamilya na nais magkasama-sama at tumakbo para sa magandang kinabukasan ng mga bata. Ang mga interesado ay maaaring magparehistro online para sa iba’t ibang distansya: 1.5K, 3K, 5K, 10K, at 16K. Mayroon ding espesyal na kategorya para sa mga alagang hayop.
Para sa mga nais sumali mula sa kanilang tahanan, mayroong virtual run na maaaring gawin sa mga distansyang 16K, 21K, at 50K. Ang mga gustong magparehistro nang personal ay puwedeng bumisita sa mga tindahan ng New Balance sa One Ayala Mall, BGC High Street, at Alabang Town Center.
Ang lahat ng makakalap na pondo mula sa kaganapang ito ay ilalaan sa mga programa ng Rotary para sa pagbabakuna at pangangalaga sa kalusugan ng mga bata, kasabay ng pagsisikap na matiyak na walang batang magkakasakit ng polio sa hinaharap.
“Sa ating sama-samang pagkilos, makakatulong tayo hindi lamang sa ating komunidad kundi pati na rin sa mga susunod na henerasyon,” sabi ni Gobernador Prescy Yulo.
Inaanyayahan ang lahat na makiisa sa End Polio Now: A Benefit Fun Run upang tumakbo, magsaya, at sabay-sabay na tumulong sa mabuting layunin na sugpuin ang polio.
Narito po ang Registration Link: Actual Run: https://rsrjevents.myruntime.com/register/benefit-fun-run-end-polio-now-2024 Virtual Run: https://rsrjevents.myruntime.com/register/benefit-fun-run-end-polio-now-2024-virtual (JOSEPHINE JARON CODILLA)