
ISANG pagkilos ang isinagawa ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) kasama ang ilang mamamayan ngayong Lunes, Hunyo 3, 2024, sa San Jose del Monte, Bulacan, partikular sa Barangay Muzon, upang ipahayag ang kanilang hinaing at panawagan sa mahal na Pangulo.
Pangunahing layunin ng pagkilos na ito ang bigyang-diin ang matinding epekto ng pagtaas ng presyo ng bigas, tubig, at kuryente sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.
“Ang patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin ay nagpapahirap sa mga ordinaryong Pilipino. Hindi na sapat ang aming kita upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan. Kinakailangan naming magtipid sa lahat ng aspeto ng aming buhay, at marami sa amin ang hindi na makakaya pa,” ayon sa isa sa mga nanguna sa protesta.
Nagdudulot umano ng kagutuman at malnutrisyon sa maraming pamilya ang mataas na presyo ng bigas, na siyang pangunahing pagkain ng mga Pilipin, gayundin ang pagtaas ng singil sa tubig at kuryente na nagpapahirap lalo sa mga mahihirap na sambahayan, sanhi ng mas mataas na gastos sa pang-araw-araw na buhay.
Layon ng nasabing pagkilos ang manawagan kay Pangulong Marcos Jr. na agad tugunan ang krisis na dulot ng pagtaas ng presyo ng bigas, tubig, at kuryente.
Nais din nila na mabigyan ng solusyon na mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin at mapagaan ang pasanin ng bawat pamilyang Pilipino.
Layunin din ng aktibidad na nabanggit na mahikayat ang pamahalaan na magpatupad ng mga programang makakatulong sa mga mahihirap na sektor upang sila’y makaahon sa kahirapan, gayundin angpagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang tiyakin ang pagkakaroon ng sapat na supply ng bigas, malinis na tubig, at abot-kayang kuryente.
Kabilang sa mga hakbang na kanilang isinusulong ang pagtanggal sa mga buwis na nagpapataas ng presyo ng bigas, tubig, at kuryente; pagpapatupad ng subsidyo para sa mga mahihirap na pamilya upang matulungan silang makayanan ang tumataas na gastusin; pagrepaso sa mga kontrata at kasunduan ng gobyerno sa mga pribadong kumpanya na nagmamanage ng tubig at kuryente upang matiyak na walang abuso sa pagtaas ng presyo, at pagpapalakas ng lokal na produksyon ng bigas upang mabawasan ang pagdepende sa importasyon na nagdudulot ng pagtaas ng presyo.
”Kami ay nananawagan sa Mahal na Pangulo na pakinggan ang hinaing ng bawat Pilipino. Ang krisis na ito ay hindi lamang isang problema ng ekonomiya kundi isang hamon sa ating pagkakaisa bilang isang bansa. Ang bawat Pilipino ay nararapat lamang na magkaroon ng sapat na pagkain, malinis na tubig, at abot-kayang kuryente,”panawagan ng grupong UFCC.
Hangad anila na makahanap ang ating pamahalaan ng agarang solusyon upang masiguradong ang bawat pamilya ay hindi magdusa sa kahirapan dulot ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at sama-sama ipakita ang malasakit at pagmamahal sa ating bayan. (LB/Bong Son)