C5 Extension Quirino flyover sa lungsod ng Las Piñas, bukas na sa motorista

BINUKSAN  na sa mga motorista ang C-5 Quirino flyover, C5 extension sa lungsod ng Las Piñas.

Ayon sa Department of Public Works and Highways may lapad ang bagong tulay na 9.82 linear meters na may kabuuang haba na 680 linear meters.

Sinabi naman ni Senador Cynthia Villar na ang naturang pagbubukas ng fly-over ay makakapagpabilis ng biyahe para sa mga motorista na patungo sa Sucat Parañaque, Coastal Road at Las Piñas kung saan maiibsan ang matinding trapiko sa lugar.

Nagpapasalamat din si Villar sa naging pasensyang ipinagkaloob ng mga motoirista habang ginagawa ang naturang proyekto.

Tumagal ng mahigit tatlong taon ang konstruksyon ng nasabing tulay kung saan umabot  sa P300.39 million ang ginastos ng gobyerno para maitayo ang dalawang linyang daanan.

Maging si Senador Mark Villar ay lubhang nagpapasalamat dahil sa natapos na proyekto kung saan ay  proyekto ito ng senador noong panahon na siya ay kalihim pa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) .

Tulad ng ng kanyang ina na si Senadora Villar, umaasa ang solon na maiibsan ng basabing tulay ang traffic sa lungsod.

Tiniyak ng mag-inang Villar na hindi ang nasabing flyover ang huling proyekto sa Las Piñas dahil marami pa ang mga  nakalinyang kalsada, tulay at establisyementong gagawin sa nasabing syudad.

Kasunod nito ay nagpapasalamat ang pamilya Villar lalo na ang senador sa DPWH na dati niyang mga kasamahan sa patuloy na suporta kahit pa wala na siya sa nasabing ahensya. (Nino Aclan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights