Dating PACC chair Belgica: Con-Con, tutugunan ang korapsyon, political crisis, social injustice

Ang pag papalit ng Konstitusyon sa pamamagitan ng Constitutional-Convention ay makatutulong sa pagresolba, hindi lamang ng problema ng korapsyon sa gobyerno, kung hindi pati ang patuloy na krisis pampulitika at ang kawalan ng hustisya sa lipunan, ayon kay dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica.

Ito ay sinabi niya matapos aprubahan ng Kongreso ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 na layong amyendahan ang ilang probisyon sa ekonomiya ng Konstitusyon ng 1987, partikular na ang Articles XII, XIV, and XVI.

Ngunit kulang pa rin sa dapat gawin ang RBH 7 para mabago ang Konstitusyon, saad ni Belgica.

“Kapag hindi na gumagana ang kasalukuyang gobyerno at Konstitusyon sa pag-abot ng mga layunin nito, ang pag papalit ng Konstitusyon sa pamamagitan ng Con-Con ay karapatan at tungkulin ng tao,” sabi ni dating PACC chair Belgica.

“Sa lahat ng pagsisikap ng Kongreso para amyendahan o baguhin ang Konstitusyon, hindi ito makausad dahil hindi nagbigay ang Konstitusyon ng mabisang paraan para baguhin ito,” dagdag nito.

“Hindi kailanman nakita ng mga framer ng rebolusyonaryong Konstitusyon na ito na ang nilagay nilang checks and balances sa pamamagitan ng pagbuo ng dalawang Kamara ng Kongreso para protektahan ang taumbayan sa concentrated power ay magagamit ng mga politiko para manatili sa kapangyarihan. Ang pinakarason sa pagbuo ng Konstitusyon na ito ay naging rason ngayon kung bakit ito dapat ng palitan,” anya ni Belgica.

Inulit din ng dating PACC chair ang panawagan niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na pangunahan ang Con-Con habang sinasabing “siya ay nasa posisyon kung saan kaya niyang pagkaisahin ang ating mga lider at taumbayan patungo sa pagpapalayang ito.”

Ayon kay Belgica, mahahayaan ang taumbayan na bumuo ng bagong gobyerno at gumawa ng mga panibagong sistema na mas nakaayon sa mga kasalukuyang pangangailangan ng bansa kung mababago ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Con-Con.

Sa pamamagitan nito, maaalis ang labis na kapangyarihan sa Pangulo, Kongreso, at sa sentralisadong sistema ng gobyerno na inaabuso ng mga korap na opisyal para manatili sa kapangyarihan, saad niya.

Sa halip nito, makakapasok ang mga bagong lider, na magdudulot sa pagbuo ng mas balanse, mas malakas, at maepektibong gobyerno, dagdag niya.

Sinaad niyang mabibigyan nito ng kapanyarihan ang mga komunidad, industriya, tribo, barangay, at lokal na pamahalaan na mabilis at mabisang tugunan ang mga alalahanin na inaakyat sakanila ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang sektor, probinsya, at rehiyon.

Bukod dito, mabibigyan ng pagkakataon ang mga framer ng Konstitusyon na palayain ang kalakalan at ekonomiya sa mga isla. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng pagpuksa sa red tape at korapsyon para paluwagin ang mahihigpit na sistema, proseso, at regulasyon sa kalakalan at ekonomiya.

Mabibigyan nito ang mga ibang rehiyon ng kontrol sa kanilang sariling yaman at kapangyarihan para pamahalaan ang sarili nila base sa kung ano ang mas makabubuti sakanila na walang panghihimasok ng sentral na pamahalaan.

Binanggit din ng dating PACC chair na mabibigyan ang mga Pilipino ng pagkakataon na palakasin ang sistemang panghukuman para labanan ang krimen at korapsyon, partikular na sa pagtaguyod ng transparency, pagpapatupad ng batas, at pagpapataw ng parusa sa mga kriminal at tiwaling gawain nang mas mabilis at patas sa pag-amyenda ng Konstitusyon sa Con-Con.

“Sa pamamagitan ng Con-Con, makakatakas ang taumbayan mula sa korapsyon na nag-ugat na sa ating gobyerno at naglugmok sa atin sa gulo at kahirapan. Hahayaan nito ang taumbayan na bumuo ng panibagong gobyerno na poprotektahan ang indibidwal na kalayaan habang naglilingkod sa ngalan ng pambansang interes,” ayon kay Belgica.

“Ipagpatuloy natin ang ating pagsisikap para bantayan ang mga benepisyo ng kalayaan ng bawat isa sa pamamagitan ng Con-Con. Pagsikapan nating gumawa ng sarili nating Konstitusyon na may pahintulot ng pinamamahalaan at maglilingkod sa ngalan ng public interest habang pinoprotektahan ang indibidwal na kalayaan.” (BONG SON)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights