Philippine Red Cross, inilunsad ang “OK Ka Sa Bakuna” campaign

Maraming Pilipino pa rin ang natatakot magpabakuna dahil sa iba’t ibang dahilan, tulad ng misinformation at haka-haka tungkol sa bakuna. Dahil dito, hindi lamang nalalagay sa panganib ang mga buhay ng mga tao sa komunidad, kundi ay naapektuhan din ang buong sektor pangkalusugan.
Upang ibsan ang pag aalinlangan ng marami, inilunsad ng Philippine Red Cross (PRC) ang “OK Ka sa Bakuna” information campaign para paigtingin ang kahalagahan ng bakuna sa buong bansa.
Ang information campaign na ito ay produkto ng Building Trust Philippines Project (BTP), isang proyektong nabuo sa pamamagitan ng partnership ng PRC at International Federation of Red Cross at Red Crescent Societies (IFRC). Sa ilalim ng proyektong ito, ang PRC ay nag-organisa ng mga volunteers sa mga chapters nito sa buong bansa upang suportahan ang immunization intervention ng lokal na pamahalaan at paigtingin ang kahalagahan ng pagbabakuna.
Isa sa mga tungkulin ng mga volunteers ay magbahagi ng impormasyon tungkol sa mga bakuna at suriin ang mga opinyon ng komunidad kung paano pa nila mas maayos na pagsilbihan ito.
“Umulan man o umaraw, ang aming mga volunteers at medical personnel ay nagsasagawa ng vaccination campaigns sa mga komunidad, partikular sa mga geographically-isolated na lugar sa bansa na hindi gaanong naabot ng impormasyon,” saad ni PRC Chairman at CEO Richard “Dick” Gordon.
“I want to thank them for using their skills to help and save the lives of countless Filipino children (Gusto kong magpasalamat sa kanila sa pagbabahagi ng kanilang abilidad para tumulong at magligtas ng marami pang batang Pilipino.),” saad ni Chairman Gordon. Ayon sa pag-aaral ng PRC at IFRC, noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, marami ang hindi nagpa bakuna sa Mindanao dahil masyadong malayo ang kanilang mga tirahan mula sa lungsod.
Ang ilan naman sa mga mamamayan ay naghayag ng pagkatakot dahil sa maling impormasyon o fake news, haka-haka, at kakulangan sa impormasyon tungkol sa bisa, side effects, at safety ng mga bakuna.
Hinikayat ni PRC Secretary-General, Dr. Gwen Pang ang mga mamamayan na makipagtulungan sa pagpapaigting ng tiwala ng mga Pilipino sa bakuna. “Kailangang patuloy nating isulong ang kahalagahan ng bakuna dahil ito ang susi sa pagtiyak ng kalusugan ng karamihan ng mga Pilipino,” saad ni Dr. Pang.
Bilang suporta sa immunization initiatives ng gobyerno, ipinagmalaki ni IFRC Head of Delegation to the Philippines na si Sanjeev Kafley ang five-day facilitators training ng PRC noong Enero 29 ngayong taon para sa 34 na volunteers kung saan tinalakay ang Basic Immunization. `
Isa sa mga nabakunahan ng PRC sa Mindanao ay naghayag ng kanyang saloobin ukol sa kanyang karanasan. Aniya: “Noong una ay nagdadalawang isip kami ng mga kasamahan ko kung tatanggapin ba namin ang COVID-19 na bakuna. Pero kalaunan ay nagpa-bakuna na rin kami ng napansin namin na hindi naman ganoon kalala ang epekto ng bakuna.”
Ito ay isang patunay na tinatanggap ng mga mamamayan ang kahalagahan ng bakuna sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon ng mga volunteers sa pamayanan tungkol sa bakuna.
Ang “OK Ka sa Bakuna” ay pagpapatuloy ng mga inisyatibo ng PRC para tulungang lumakas ang kumpiyansa ng mga Pilipino sa bakuna. Ang Philippine Red Cross ay nakatuon sa pagbibigay serbisyo at pagpapalaganap ng kahalagahan ng kalusugan ng mga tao.

Sa pamamagitan ng kampanyang ito, umaasa ang PRC na dumami pa ang mga tao na hindi lang magpabakuna kundi maging bahagi rin ng pagbabago sa sektor ng kalusugan.

Para sa iba pang mga katanungan tungkol sa bakuna tulad ng saan at kailan maaring makakuha nito, maaaring pumunta sa pinakamalapit na PRC Chapter o barangay health center. Maari ring tumawag sa PRC hotline na 143.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights