MATAPOS SIPAIN SA PLATFORM, ANGKAS RIDERS UMALMA

PUMALAG ang mga rider ng motorcycle taxi company na Angkas bunsod ng malawakang mass deactivation ng kompanya at pagtanggal ng mga rider nito sa platform, matapos matuklasan na nag-o-onboard sila ng riders na walang professional license.

Ayon sa mga  driver na sinipa sa platform, wala daw umanong sinabi ang Angkas na may kaakibat na panganib ang pagbiyahe nila nang walang professional license at tinatayang marami pa sa mga hanay ng Angkas riders ang bumabiyahe nang walang lisensya.

Wala rin daw alok na professional license processing assistance ang Angkas sa mga rider na sinipa sa platform.

Matatandaang mahigpit na ipinagbabawal ang sinumang motorcycle taxi driver na bumiyahe nang walang professional license.

Sa pagnanais na mapanatili ang kanilang dominance sa MC Taxi sector, tila hindi gumawa ng masusing proseso ang Angkas sa pagpili ng kanilang riders.

At dahil pinayagan ng Angkas na bumiyahe ang mga rider na walang professional license, may ilang taga-subaybay na nagsabing inilagay ng kompanya ang mga pasahero at riders nito sa panganib.

Ngayong nabunyag na marami sa kanilang riders ay walang angkop na lisensya upang bumiyahe, ang isinagawang malawakang deactivation ay mistulang taktika upang itago ang kapabayaan ng Angkas sa publiko.

Ngayon, marami sa mga driver ng Angkas ang nagpapahayag ng kanilang pagkadismaya at nilantad nila ang mga tanong ukol sa integridad sa operasyon ng Angkas, ang katotohanan ukol sa kanilang safety track record, at ang epekto nito sa kabuhayan ng kanilang mga riders.

Marami sa mga sinipang Angkas riders ay umaasa sa platform bilang kanilang pangunahing kabuhayan.

Sa naging mass deactivation na isinagawa ng pamunuan ng Angkas, maraming pamilya ang kanilang ginutom.

Matatandaang isa sa mga pangako ng Angkas sa pamahalaan ay ang paglikha ng milyon-milyong kabuhayan at iangat ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino. Subalit sa agarang pag-sipa sa mga riders nito, may katotohanan pa kaya ang pangakong ito ni Angkas?

Dahil sa isinagawang mass deactivation ng Angkas, handa umanong magsagawa ng malawakang kilos protesta ang mga rider upang tutulan ang mga naging hakbang ng pamunuan ng Angkas.

Dagdag pa ng mga rider, ikinakasa na rin nila ang kaso sa DOLE na ihahain nila laban sa Angkas.  (BONG SON)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights