MALAKANYAN, Maynila — Sa pagpuna sa mga kaganapang may kaugnayan sa climate change sa nakalipas na mga taon na nagresulta sa pagkaka-displace ng maraming kabataan mula 2016 hanggang 2021, inulit ni Climate Change Commissioner Albert Dela Cruz Sr. ang kanyang posisyon na kailangang kumilos ang mga local government unit (LGU) upang matugunan ang mga banta at masasamang epekto ng climate change at global warming.
Dito binalangkas ng opisyal ang kahalagahan ng inisyatibo ng pamahalaang nasyonal upang makagawa ng mga pamamaraan na magkaroon ng mas madaling accessibility ang mga LGU sa People’s Survival Fund (PSF) na makakatulong sa pagpondo sa pagpapatupad ng kanilang mga programa sa mitigation at adaptation.
Bago rito, binanggit ni Vice President at con-current education secretary ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio na ang climate change ay mas lubhang nakaapekto sa mga kabataan kaya kailangan na talagang matugunan ang krisis na dulot nito.
Tinukoy ng pangalawang pangulo na ang climate crisis ay isang bantang nagdudulot ng matinding problema para sa mga bata at nakakaapekto rin sa kanilang kinabukasan.
“Ang climate crisis ay child rights crisis din na nakakaapekto sa buhay, edukasyon at kalusugan ng ating mga kabataan. At sadyang matindi ang tama nito sa ating mga supling. Ang mga bagyo ay nagdudulot ng pagbaha, pagguho ng lupa at nakakasama ito sa ating mga anak,” idiniin ni Duterte-Carpio.
Batay sa global data, ang Pilipinas ay nangunguna sa World Risk Index para sa taong 2022.
Ayon naman kay Commissioner Dela Cruz, sang-ayon siya sa pahayag ng bise presidente ukol sa displacement na nararanasan ng mga bulnerableng komunidad na sanhi ng pagtaas ng insidente ng sakit tulad ng mga karamdaman sa respiratory system at gayun din ang mga may kinalaman sa mental health, partikular na sa mga kabataan.
“Hindi nakakapasok sa eskuwela ang ating mga anak dahil sa mga sakuna na nagaganap sa kanilang lugar at nakakaapekto ito sa kanilang edukasyon at kinabukasan. Sa countryside naman, na kung saan ang agrikultura ang pangunahing industriya, lumalala ang kakulangan sa pagkain at nagbubunsod ito ng manutirtion sanhi ng mga kamalidad,” kanyang tinukoy.
Ito ang dahilan kung bakit itinutulak ni Dela Cruz ang ‘makabuluhang partisipasyon’ ng kabataan sa kampanya ng gobyerno laban sa climate change.
“It’s imperative that we take action gaya ng sinabi ng ating mahal na VP Sara has highlighted, ‘as adults, we must commit to walking the talk.’ Masisimulan natin ito sa pagbabawas ng ating carbon footprint sa pamamagitan ng green transition ng waste management at disposal gamit ang waste-to-energy (WtE) technology at sa ating pamumuhay rin. Kailangabn din nating isulong ang mga programa humihimok sa ating mga supling na paifgtingin ang kanilang kahandaan at resilience sa mga kalamidad,” aniya.
Sa huli, binigyang-pansin ng climate change commissioner ang nalalapit na 2023 United Nations Climate Change Conference (COP28) na nakatakdang ganapin sa Dubai dahil magkakaroon dito ng oportunidad ang Pilipinas para makapagdisenyo at makapagpatupad ng isang child-responsive climate action program na pinaprayoridad ang pangangailangan at perspektibo ng mga kabataan. (TRACY CABRERA)