Dela Cruz Sinusulong ang Hydrogen Bilang Alternatibong Source ng Enerhiya

MAMBURAO, Mindoro Occidental — Sa paghahanap ng alternatibong source ng enerhiya, isinusulong ni Climate Change Commissioner Albert Dela Cruz Sr. ang paggamit ng hydrogen energy na maaaring malikha sa iba’t ibang pamamaraan, tulad ng thermal processing sa pamamagitan ng natural gas reforming at electrolysis.

Nakipagpulong si Commissioner Dela Cruz sa delegasyon mula sa South Korea na pinangunahan nina Safe Agriculture chairman Jong Chan Park at Reelcause R&D chief-executive-officer Dae Woong La para talakayin kung paano ang hydrogen energy ay maging isang mainam na fuel option para sa transportasyon at electricity generation na maaaring magamit sa mga sasakyan, tahanan, portable power at marami pang ibang aplikasyon.

Prinisinta ng delegasyon kay Mindoro Occidental governor Eduardo Gadiano ang kanilang ‘Hydrogen Co-generation Power Facility Project’ na anila’y makakatugon sa nararanasang power crisis ngayon sa lalawigan ng Mindoro at maitulak na rin ang paggamit ng hydrogen energy bilang kasagutan sa panawagan ng pamahalaan na lumipat na mula sa mga fossil fuel sa mga renewable at sustainable na source ng enerhiya.

Tinukoy ni Commissioner Dela Cruz ang hydrogen bilang malinis na fuel na, kapag kinonsumo sa isang fuel cell, ay maaaring malikha mula sa maraming domestic resources, gaya ng natural gas, nuclear power, biomass at renewable power mula sa solar at hangin. Ang mga kalidad na ito, umano, nagbigay halaga rito bilang fuel option dahil maaaring magamit ito sa maraming aplikasyon at pamalit ng gasolina at iba pang mga produktong petrolyo.

“Ang hydrogen ay isang energy carrier na maaring gamitin na pang-imbak, pagkilos at paghatid ng enerhiyang likha mula sa iba pang mga source. Nagri-react ito sa oxygen sa isang electrochemical cell—katulad ng sa baterya—para maka-produce ng kuryente, tubig, at init,” aniya habang binanggit din na ang mga hydrogen fuel cell ay kasalukuyang ginagamit para paandarin ang mga electrical system sa mga spacecraft at mag-supply din ng elektrisidad sa maraming bansa.

Hawak ang portfolio para sa technical mechanisms ng Climate Change Commission (CCC), binigyang-diin ng opisyal na ang paglipat sa alternatibo at sustainable renewable energy ang maituturing na nexus sa climate change dahil sa ang isa sa pinagmumulan ng paglala ng nagbabagong klima ay bunsod ng energy sector na pinagmumulan ng 20 porsyento ng greenhouse gas (GHG) emission.

“Kailangan nating maghanap at sumubok ng mga paraan para mabawasan kundi man mawala ang mga GHG emission kung nais natin talagang matugunan ang masasamang epekto ng climate change at global warming. Ang paglipat sa hydrogen energy mula sa fossil fuels ay mahalagang aspeto na susuporta sa mithiing ito,” pagtatapos ni Dela Cruz.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights