CIF NG NAVY, PCG PADADAGDAGAN NI ZUBIRI

NAIS ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dagdagan ang Confidential at Inteligence Funds (CIF) ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy (PN) na pangunahing magtatanggol ng soberenya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon kay Zubiri kailangang magkaroon ng sapat na proteksyon at suporta mula sa pamahalaan ang PCG at PN dahil sa mabigat nilang tungkulin para sa ating bansa.

“Dahil sa nangyayari sa West Philippine Sea, gusto po namin dagdagan ang budget ng ating mga sundalo at Navy personnel, lalo na sa Navy at coast guard, to strengthen our external defense capabilities para magkaroon po tayo ng credible defensive posture,” ani  Zubiri sa isang panayam. 

Tinukoy din ni Zubiri ang pinakahuling desisyon ng senado na buhayin ang Select Oversight Committee on CIFs (SOCCIF) na siyang mag-aaral sa paggamit ng CIFs ng mahigit sa 30 agencies at tukuyin kung dapat bang i-realign ang mga ito para sa mas higit na kapakinabangan.

Ipinunto ng senador na ang CIFs ng PCG at PN na nagbibigay proteksyon sa ating national territory sa WPS  mula  China’s aggressions ay 10 milyong piso  at 39.74 milyong piso.

“Imagine, yung Coast Guard ay P10 million lang yung confidential fund nila. Yung ibang ahensya ng gobyerno, hundreds of millions. So, I would suggest na pwede nating ilipat doon sa mga kailangan talaga ng inteligence funds at madagdgan ang intelligence funds to protect us both internally and externally,” dagdag ni  Zubiri.

Tiniyak din ni Zubiri na sa sandaling matanggap na ng senado ang kopya ng 2024 national budget mula sa mababang kapulungan ng kongreso ay kanyang itutulak ang pagkakaroon ng realigments funds o pagbabago sa CIFs upang madagdagan pa ang intelligence capabilities ng PCG at PN.  

“Iyan po ang pangako namin sa inyo, may maiiba pagdating po sa intelligence funds at confidential funds.  And I think it will be reflected in the outcome of the Senate hearings of the budget,”  giit ng solon.  

Ang intel funds ng PCG ay nananatiling sampung milyong piso lamang hanggang 2022, ngunit noong 2024  proposed total allocation sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) ay tumaas ito ng 24.01 milyong piso mula sa 21.92 bilyong piso noong 2023.

“Kung sa tingin po natin ay okay naman po ang paghingi nila ng mga budget allocations na ito, then we will approve it. Pero kung hindi at sa tingin namin may pagkukulang, eh di either dagdagan namin or tanggalin naman kung may problema,” ani ni Zubiri.

Binigyang-diin ni Zubiri na sa sandaling matukoy ng komite na ang mga inilaang CIFs sa mga agency ay maaari namang ilagay bilang regular budget sa line item, ay hindi siya magdadalawang-isip na irekomenda ito sa budget deliberations.  

“Magbibigay po tayo ng rekomendasyon sa plenaryo. We have to vote in the committee kung ito bang ahensya na ito dapat bang tapyasan o tanggalin o liitan ang kanilang intelligence funds,” paliwanag ni Zubiri.  (NIÑO ACLAN)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights