Sen. dela Rosa wala na sa gusali ng senado – SP Cayetano

KINUMPIRMA ni Senate President Alan Peter Cayetano na wala na sa gusali ng senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa. Ngunit tumanggi ang solon na tukuyin kung anong oras at kanino o anong sasakyan ang sinakyan ni dela Rosa.

Ayon kay Cayetano,  tanging text messages na lamang ang natanggap niya sa maybahay ni Dela Rosa na wala na ito sa gusali ng senado.

Pagdating sa gusali ng senado nitong Huwebes ay agad na iniutos ni Cayetano sa pinuno ng Senate Sargent at Arms na inspeksyunin ang bawat silid kung naroon pa o wala na si dela Rosa.

At batay sa  ulat ng OSSA, sabay na lumabas sina Dela Rosa at Senador Robin Padilla sa senado, bagaman hindi matukoy kung anong oras at kung sila ay sumakay sa isang sasakyan lamang.

Huling nakita ni Cayetano si dela Rosa matapos na imbitahin niya ito na tumungo sa kanyang tanggapan sa second floor para makausap si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.

Matapos noon ay wala na siyang nabalitaan kay dela Rosa subalit igingalang niyang ang desisyun nito, kasunod ang pabaong panalangin para sa kaligtasan at seguridad ng solon.

Binigyang-diin ni Cayetano na kaya nila pinagkalooban si dela Rosa ng protective custody ay upang matiyak ang kanyang seguridad habang nasa loob siya ng gusali ng senado at upang maproteksyunan ito bilang isang institusyon.

Wala ding nakikitang masama si Cayetano sa kanilang pag-aalaga at pag-iingat kay dela Rosa lalo na’t wala pa namang warrant of arrest na ipinapalabas ang local courts laban dito.

Umaasa naman si Cayetano na makakadalo si dela Rosa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa sandaling magsimula na ang paglilitis.  (Nino Aclan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights