Mass oath-taking ng 8,000 guro at school heads sa Capiz, pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes ang makasaysayang mass oath-taking ng mahigit 8,000 bagong na-promote na guro at school heads mula sa Western Visayas, na itinuturing na pinakamalaking pagtitipon sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System ng administrasyon.

Idinaos ang seremonya sa Villareal Stadium sa Roxas City, bilang bahagi ng serye ng mass oath-taking sa iba’t ibang rehiyon. Nauna nang isinagawa ang katulad na aktibidad sa Cebu, Davao, at Eastern Visayas.

Kasama rin ng Pangulo sa okasyon si Louise Araneta-Marcos.

Sa kanyang talumpati, tiniyak ng Pangulo ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga guro sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang career growth, kapakanan, at kondisyon sa trabaho.

“Asahan ninyo, mga Ma’am, mga Sir, na ang inyong pamahalaan ay hindi titigil sa pagkilos upang matiyak na kayo ay naaalagaan, nabibigyan ng pagkakataong umunlad, at kinikilala sa inyong serbisyo,” ani Pangulong Marcos.

Ipinaliwanag ng Pangulo na nakatutulong ang ECP System sa pagtugon sa matagal nang suliranin ng mabagal na promosyon ng mga guro dahil sa kakulangan ng permanenteng posisyon. Sa ilalim nito, may malinaw nang landas para sa pag-angat—maaaring manatili ang mga guro sa pagtuturo o tumahak sa pamunuan ng paaralan.

“Just as you have guided your students to grow, this system supports you and your growth as professionals,” dagdag ng Pangulo.

Mula Agosto 2025 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa 79,230 guro at school heads sa buong bansa ang nakinabang sa promosyon sa ilalim ng ECP System. Sa bilang na ito, mahigit 8,500 ay mula sa Western Visayas, kabilang ang 124 na mga gurong malapit nang magretiro.

Muling iginiit ng Pangulo na sisiguraduhin ng administrasyon na walang gurong magreretiro sa entry-level rank o Teacher I, habang patuloy pang pinoproseso ang iba pang promosyon upang matiyak na walang maiiwan.

Bukod dito, binigyang-diin din niya ang mga repormang layong mapagaan ang trabaho ng mga guro, kabilang ang pagbabawas ng administrative workload, pagpapasimple ng paperwork, at paglikha ng mahigit 61,000 bagong teaching positions mula 2022 hanggang 2025.

Naipamahagi na rin ang PhP10,000 teaching allowance para sa School Year 2025–2026, habang pinalalawak ang mga programang pabahay upang mabigyan ng prayoridad ang mga guro sa abot-kayang tirahan.

Nagpasalamat din ang Pangulo sa dedikasyon ng mga guro sa paghubog ng kabataang Pilipino.

“You have carried this responsibility with dedication, with patience, and with heart, going way beyond what is just expected of you. For that, from the bottom of my heart, from the bottom of the heart of every Filipino, and a grateful nation, thank you,” ani Pangulong Marcos.

Binigyang-diin pa ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga guro bilang “second parents” sa paghubog ng kinabukasan ng bansa.

“And so as you have taken your oath today, carry with you both your personal duties and the noble duty of being the builders of our nation’s future,” saad niya.

“This government is with you as we uplift the quality of our education system—with you, for you, and for the Filipino youth.” / (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights