Goitia Nanawagan ng Matatag na Paninindigan Laban sa Pananakot
Mariing kinondena ni Dr. Jose Antonio Goitia ang umano’y mapanganib na aksyon ng mga pwersang Tsino laban sa isang eroplano ng Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng routine patrol sa West Philippine Sea, iginiit na hindi dapat magpadaig ang Pilipinas sa pananakot.
Ayon kay Goitia, isang “malinaw na pananakot” ang insidente noong Abril 6 kung saan pinaputukan umano ng flares ang aircraft ng PCG malapit sa Mischief Reef at Subi Reef habang nagsasagawa ng patrol.
“Ito ay malinaw na pananakot. Walang bansa na kumikilos nang ayon sa batas ang dapat ilagay sa panganib ang buhay ng kanyang mga tauhan,” ani Goitia.
Binigyang-diin niya na ang presensya ng PCG sa lugar ay lehitimo at bahagi ng tungkulin ng bansa na bantayan ang karagatan, protektahan ang mga mangingisda, at igiit ang karapatang kinikilala sa ilalim ng pandaigdigang batas.
Dagdag pa niya, hindi na umano hiwalay na insidente ang naturang pangyayari, kundi bahagi ng lumalalang pattern ng panggigipit laban sa Pilipinas sa rehiyon—mula sa paggamit ng water cannon, laser incidents, hanggang sa mapanganib na maniobra sa dagat at himpapawid.
Kasunod nito, binanggit din ni Goitia ang kamakailang pagpapasinaya ng bagong Coast Guard base sa Pag-asa Island, na aniya’y mahalagang hakbang upang palakasin ang presensya ng bansa sa lugar.
“Kapag ang diyalogo ay napapalitan ng panggigipit, hindi na ito simpleng hindi pagkakaunawaan. Ito ay pagtatangkang magdikta, at dapat itong tutulan,” aniya.
Giit pa niya, hindi ang Pilipinas ang nagpapalala ng tensyon kundi naninindigan lamang ito sa sariling teritoryo.
“Ang soberanya ay hindi ipinagtatanggol sa salita lamang. Ipinapakita ito sa presensya, sa tapang, at sa paninindigan,” dagdag niya.
Sa kabila ng mga insidente, iginiit ni Goitia na magpapatuloy ang Pilipinas sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea at sa pagtatanggol sa mga karapatan nito.
“Walang uurong. Walang susuko,” aniya.
Si Jose Antonio Goitia ay kasalukuyang Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Si Goitia ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), bukod pa sa iba pang advanced degrees tulad ng Master in National Security Administration (MNSA), Master in Public Administration (MPA), at Master of Business Administration (MBA). (Marisa Son)
