Iginiit ni Ferdinand R. Marcos Jr. na siya ay nasa mabuting kalusugan at pinabulaanan ang kumakalat na mga ulat tungkol sa kanyang umano’y karamdaman, kasabay ng pag-anunsyo ng mga hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis at pagkain.
Sa isang pahayag ng Presidential Communications Office sa Malacañang, hinamon ng Pangulo ang mga nagsasabing siya ay may sakit na sumama sa kanya sa pag-eehersisyo upang patunayan ang kanyang pisikal na kalagayan.
“Kalokohan na ‘yan… I’m in very, very good health,” ani Marcos, na nagsabing regular siyang nagpapasuri at huling nagtungo sa ospital ilang buwan na ang nakalipas para sa follow-up check sa kanyang dating kondisyon na diverticulitis, na aniya’y tuluyan nang gumaling.
Dagdag pa ng Pangulo, nananatili ang kanyang regular na ehersisyo tatlo hanggang apat na beses kada linggo at maayos ang kanyang kalusugan, maliban sa maintenance medicines para sa gout at hypertension.
Kasabay nito, inilatag ni Marcos ang apat na pangunahing hakbang ng pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng oil crisis at mapanatiling abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Una, tiniyak ng Pangulo na sapat ang suplay ng mga pangunahing pagkain sa bansa, kabilang ang bigas, mais, gulay, karne, isda, at iba pa. Aniya, patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa industriya upang mapanatili ang presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang katapusan ng Abril.
Ikalawa, inanunsyo niya ang pagtanggal ng excise tax sa LPG at kerosene, na magreresulta sa pagbaba ng presyo ng mga produktong ito. Tinatayang bababa ng ₱3.36 kada kilo ang LPG at humigit-kumulang ₱37 kada tangke, habang ₱5.60 kada litro naman ang bawas sa kerosene.
Ikatlo, inatasan ng Pangulo ang Department of Agriculture at Tariff Commission na pababain ang taripa sa inaangkat na pagkain upang makatulong sa pagpapababa ng presyo, kasabay ng mas mabilis na pagproseso ng import permits. Tiniyak din niyang poprotektahan ang lokal na produksyon habang isinasagawa ang mga repormang ito.
Dagdag pa rito, bibilhin ng pamahalaan ang sobrang produksyon ng mga magsasaka upang maiwasan ang pagkalugi at pag-aaksaya ng ani, habang palalawakin ang “Benteng Bigas” program para sa mas maraming benepisyaryo, kabilang ang senior citizens, persons with disabilities, at solo parents.
Ikaapat, ipatutupad ang pagbabawas ng iba’t ibang bayarin sa mga pantalan upang mapababa ang gastos sa transportasyon ng pagkain. Kabilang dito ang pagsuspinde o pagbawas ng port fees at ang pagbaba sa ₱1 ng Roro Terminal Fee para sa mga sasakyang nagdadala ng agricultural products.
Samantala, ipinaliwanag din ng Pangulo ang paninindigan ng pamahalaan na panatilihin ang value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo sa kasalukuyan. Ayon sa kanya, ang karagdagang kita mula sa VAT ay gagamitin upang pondohan ang mga subsidy at tulong pinansyal para sa mas malawak na sektor ng lipunan.
“We need funding to help the entire society,” ani Marcos, na binigyang-diin na patuloy namang sinusuri ng pamahalaan ang lahat ng posibleng opsyon kaugnay ng VAT.
Dagdag pa niya, tatalakayin pa sa susunod na pulong ng UPLIFT Committee ang iba pang hakbang, kabilang ang posibleng polisiya sa diesel at gasolina.
Tiniyak ng Pangulo na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang sapat na suplay at mapababa ang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin.
“Hindi tayo titigil hanggang maramdaman ninyo ang tunay na ginhawa sa inyong pang-araw-araw na buhay,” aniya. (LB)
