PCO, pinaiimbestigahan sa DOJ ang tatlong ‘fake news’ posts tungkol sa energy emergency

Pinaiimbestigahan ng PCO sa Department of Justice (DOJ) ang mga indibidwal na nagpapakalat ng fake news o maling impormasyon sa social media na umano’y naglalayong maghasik ng takot, kalituhan, at panlilinlang sa publiko.

Ito ang inihayag ni PCO Secretary Dave Gomez kasunod ng naunang babala ng pamahalaan laban sa sinumang sinadyang gumawa at nagpakalat ng fake news para isulong ang pansarili at pampulitikang interes sa gitna ng umiiral na emergency.

Kasama dito ang sinasabing magkakaroon ng lockdown para mang-scam at magbenta ng solar panels.

Ikalawa ang pagpapakalat ng impormasyon na kapos na ang fuel para mag-panic ang mga tao sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na mag-imbak ng gasoline, diesel at LPG.

Ikatlo ang post na kathang-isip na emergency lockdown dahil sa “Cicada Variant” umano.

Binigyang-diin ng PCO na ang mga naturang maling pahayag ay malinaw na kasinungalingan at maituturing na krimen sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, na may parusang pagkakakulong ng hanggang anim na buwan.

Mas mabigat ang kaparusahan kung ito ay ginawa online sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.

Ang mga nasabing posts ay natukoy ng PCO Anti-Fake News Desk, na itinatag kasunod ng paglulunsad ng Oplan Kontra Fake News noong nakaraang buwan.

Isinumite ng PCO sa DOJ ang mga paunang findings ng anti-fake news desk upang magsagawa ng mas malalim na pagsisiyasat, matukoy ang mga responsable, at maisampa ang kaukulang kaso sa hukuman.

“We will not let you get away with the crime. We will go after you and hold you to account,” ani Gomez.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights