Paninindigan sa Soberanya ng Pilipinas, Iginigiit sa Gitna ng Isyu sa West Philippine Sea

Nanawagan ng malinaw at matatag na paninindigan para sa soberanya ng Pilipinas ang isang lider ng alyansa sa gitna ng mga pahayag na kumakalat online hinggil sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia, hindi ito panahon ng kalituhan kundi ng linaw, lalo na sa harap ng mga naratibong nagdudulot ng pagdududa sa legal na posisyon ng bansa. Tinukoy niya ang mga pahayag sa social media, na kinakailangang suriin nang mabuti dahil maaari umanong pahinain ang tiwala ng publiko sa umiiral na batas internasyonal at sa soberanya ng Pilipinas.

“Kapag ang pagdududa na walang batayan ay tinatanggap bilang normal,” ani Goitia, “Ang pag-iingat ay nagiging anyo na ng pagsuko,” dagdag niya.

Malinaw ang Batas

Binigyang-diin ni Goitia na simple at malinaw ang umiiral na batas hinggil sa karapatan ng Pilipinas sa karagatan. Ipinaliwanag niya na ang West Philippine Sea ay isang katawagang heograpikal, samantalang ang Exclusive Economic Zone (EEZ) ay isang ligal na sona sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at hindi kailanman pinaghalo ng Pilipinas ang dalawang ito.

Ang karapatan ng bansa sa karagatan, ayon sa kanya, ay hindi nakabatay sa katawagan kundi sa umiiral na batas internasyonal.

“Kapag ginagawang komplikado ang malinaw,” ani Goitia, “nagdudulot ito ng kalituhan sa publiko,” aniya.

Dagdag pa niya, ang mga kasunduang internasyonal ay hindi awtomatikong nagpapawalang-bisa sa mga umiiral na batas ng bansa.

Karapatan sa Ayungin Shoal

Muling iginiit ng opisyal na hindi naging malabo ang paninindigan ng Pilipinas sa Ayungin Shoal, na ipinagtatanggol bilang bahagi ng EEZ ng bansa at hindi bilang lupain. Sa ilalim ng UNCLOS, may ganap na karapatan ang Pilipinas na magpatupad ng batas, pangalagaan ang likas-yaman, at panatilihin ang presensya nito sa loob ng EEZ—mga karapatang pinagtibay ng arbitral ruling noong 2016.

“Hindi kailangang angkinin ang lupa upang ipagtanggol ang karapatan sa dagat,” diin ni Goitia. “Iyan ang mismong prinsipyo ng UNCLOS.”

Kaugnay nito, iginiit na ang patuloy na presensya ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ay ligal, makatarungan, at naaayon sa batas. Ang mga pahayag na kumukuwestiyon dito ay iniuugnay sa maling paghahalo ng soberanya at karapatang pandagat.

Arbitration, Patunay ng Lakas

Ayon pa kay Goitia, ang desisyon ng Pilipinas na tahakin ang landas ng arbitration ay hindi tanda ng kahinaan kundi patunay ng disiplina at lakas ng paninindigan ng estado. Pinili umano ng bansa ang larangan ng batas sa halip na pananakot o paggamit ng pwersa.

“Hindi tayo umatras,” ani Goitia. “Pinili natin ang prinsipyo, at ibinagsak ng batas ang mga pag-angking walang ligal na batayan.”

Inilarawan niya ito bilang maingat, matalino, at makabayang pamamalakad na naglalayong ipagtanggol ang interes ng Pilipinas sa pangmatagalan.

Panawagan ng Pagbabantay

Bagama’t kinilala ang kahalagahan ng bukas na diskurso sa isang demokrasya, nagbabala si Goitia na kapag ang pagdududa ay sinadyang paulit-ulit na pinalalaganap, nagiging sandata ito laban sa bayan.

“Kapag ang isang bansa ay tinuruan na magduda sa sarili nitong karapatan,” babala ni Goitia, “binibigyan nito ng bentahe ang mga nais pahinain ang soberanya ng bansa.”

Sa kabila ng ingay sa social media, nananatiling buo ang ligal na posisyon ng Pilipinas, at patuloy umanong ginagampanan ng mga institusyon ng pamahalaan ang kanilang tungkulin sa ilalim ng internasyonal na batas.

Paglilinaw sa Mga Umiiral na Batas

Nilinaw rin ni Goitia na walang batas mula sa Kongreso at walang desisyon ng Korte Suprema na nagpawalang-bisa sa Presidential Decree No. 1596. Wala rin umanong pahayag sa arbitration na may kapangyarihang gawin ito. Aniya, ang UNCLOS ay nakatuon sa mga karapatang pandagat at hindi sa pagbura ng mga pambansang batas.

Kinilala rin ng arbitral ruling noong 2016 na ang Ayungin Shoal ay sakop ng EEZ ng Pilipinas, kung saan may malinaw at lehitimong karapatang pandagat ang bansa.

“Hindi binawasan ng UNCLOS ang ating paninindigan,” ani Goitia. “Sa halip, nilinaw nito ang ating mga karapatan at kinumpirma ang lakas ng ating posisyon.”

Diwa ng Paninindigan

Sa pagtatapos, nanawagan si Goitia ng pagbabantay at pananagutan laban sa mga pro-Tsina at mapanlinlang na naratibong unti-unting nagpapahina sa loob ng bayan at sa paninindigan ng estado.

Hindi sumuko ang Pilipinas.
Hindi umatras ang bansa.
Nanindigan ito sa batas at karapatan.

At hindi ito gagalaw kahit isang hakbang paatras.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA.

Verified by MonsterInsights