PBBM, pinalawak ang zero balance billing; saklaw na rin ang middle-class contributors

Iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapalawak ng zero balance billing program upang masiguro na hindi lamang ang mga mahihirap kundi maging ang mga nagbabayad ng kontribusyon na mula sa middle-class ay ganap na makikinabang sa serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang hakbang na ito ni Pangulong Marcos ay pagpapatunay sa matibay na paninindigan ng kanyang administrasyon na maghatid ng abot-kaya, accessible, at patas na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino. 

“Alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino, nakipag-ugnayan si Executive Secretary Ralph Recto sa pamunuan ng DOH at PhilHealth upang palawigin ang mga benepisyo ng programa at mapangalagaan maging ang mga contributors mula sa middle class,” pahayag ni Castro sa press briefing sa Palasyo nitong Martes. 

Titiyakin ng pinalawak na zero balance billing na mas mararamdaman ng mga miyembro ng PhilHealth ang direktang benepisyo ng kanilang mga binabayad na premium contributions.

“Makakaasa pa sa mas maayos at mas accessible na healthcare ang mga nagbabayad ng kanilang premium sa PhilHealth,” ani Castro. 

“Sa ilalim ng bagong direktiba ng Pangulo, layunin ng pamahalaan na mas maramdaman ng taumbayan ang mga serbisyong nagmumula sa mga buwis na kanilang binabayaran,” dagdag ni Castro. 

Ayon pa sa Malacañang, nasa huling yugto na ang DOH ng pagsasaayos ng healthcare provider network (HPN) model, na layong palakasin ang kakayahan ng mga local government unit (LGU) na magbigay ng mas mataas na kalidad ng serbisyong medikal sa buong bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights