Huling sahod, COE dapat ilabas sa takdang oras – DOLE

Binigyang-paalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na dapat nilang ilabas sa takdang oras ang huling sahod at Certificate of Employment (COE) ng mga manggagawa, alinsunod sa Labor Advisory No. 06, Series of 2020. 

Ipinaliwanag sa Labor Advisory No. 06, Series of 2020 kung kailan dapat ibigay ang huling sahod at kung kailan dapat mag-isyu ng COE sa mga manggagawang umalis na sa kanilang trabaho. 

Kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa mahigpit na aksyon sa mga karapatan ng mga manggagawa, nagpaalala si Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma sa mga employer na sila ay lumalabag sa batas at maaaring maharap sa mga reklamo o parusa kung kanilang ipagpapaliban o hindi ibibigay ang huling sahod at rekord ng empleyo ng kanilang manggagawa.

Noong 2025, ang mga isyu tungkol sa huling sahod ang pinaka-karaniwang idinulog hinggil sa pamantayan sa paggawa, na umabot sa 23,496 at bahagi ng 168,853 na tawag at email na natanggap ng DOLE Hotline 1349. 

Ayon sa Advisory, dapat ibigay ng mga employer ang huling sahod ng isang empleyado sa loob ng 30 araw pagkatapos ng kanilang paninilbihan sa kompanya, maliban na lamang kung may mas magandang polisiya ang kompanya. Dapat ding magbigay ang employer ng certificate of employment sa loob ng tatlong araw matapos hingin ito ng empleyado.

Kasama sa huling kabayaran ang lahat ng sahod at benepisyo na nararapat sa empleyado, tulad ng hindi pa nababayarang sahod, pro-rated 13th month pay, separation o retirement pay, cash conversion ng mga hindi nagamit na leave, tax refund, at iba pang mga benepisyong nakasaad sa polisiya o kasunduan ng kompanya. 

Binigyang-diin ng Labor Department na kinakailangang sundin ang mga pamantayan sa paggawa, at ang hindi pagsunod dito ay maaaring humantong sa mga alitan at pormal na reklamo. 

Maaaring makipag-ugnayan ang mga manggagawang hindi nakatanggap ng kanilang huling sahod o COE sa DOLE Hotline 1349 mula Lunes hanggang Biyernes, alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi. Maaari rin silang mag-email sa hotline1349@dole.gov.ph o mag-mensahe sa opisyal na DOLE Facebook Page.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights