Nang dahil sa aktres na si Lynn Madrigal, ang Kalihim ng Katipunan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon o KAPPT o sa wikang Ingles ay Actors Guild, natalukap at nakorner natin ang batikang bituin at Action Superstar na si Rhene Imperial.
Oo, mga kaibigan, si Rhene Imperial ng maaaksyong pelikula ng 1970s at 1980s.
Si Rhene Imperial na sikat na sikat hanggang ngayon kaya nga nagpapasalamat kami kay Lynn sa pagbibigay-daan niya para maging panauhin si Rhene sa online show namin na “The National Entertainment Today” sa
o MHE, multimedia platforms (Facebook Live, YouTube at iba pa).
Katambal namin na host ng palatuntunan si Art Tapalla.
Araw-araw ang pagsasahimpapawid ng “The National Entertainment Today,” Lunes hanggang Biyernes, 10 to 11 am.
Bagamat hindi agad umoo si Imperial sa aming paanyaya, nagtiyaga kaming kulitin siya sa pag-gi-guest sa aming programa.
Kaya naman pala hindi nasagot agad ni Rhene ang aming mga tawag at text ay dahil abala siya sa post-production ng kanyang bagong pelikula, ang “Bubot sa Kagubatan.”
Nang mabasa naman niya ang aming imbitasyon ay bigyan lang anya siya ng panahon dahil metikuloso at masinop ang kanyang produksyon ng kanyang obra maestrang idinidirek ni Angelo Carpio mula sa kanyang pagsubaybay bilang prodyuser at kapwa direktor.
Bilib si Rhene sa mga tulad ni Angelo na sariwa at batang talento sa pagdidirek at kung gayon ay bago ang mga ideya.
Kaya nang sumunod na komunikasyon namin kay Imperial ay nagtakda na kami ng araw, Miyerkules, ika-12 ng Hulyo, 2023 ang kanyang pagbisita sa studio ng MHE na nasa ground floor ng Pioneer Highlands Condominium sa Madison Street, Mandaluyong City, sa likod mismo ng MRT Boni Station at SM Light.
Nahirapang naghanap ni Rhene ng aming studio dahil ang nailagay ko pala sa address ay Pioneer Street.
Paumanhin.
Kaya ininterbyu namin siya on camera nang huli na siyang dumating sa istasyon.
Huli man daw at magaling naihahabol din.
Mas naging ispiritwal na siya anya, wika ni Imperial mula nang siya ay malulong sa illegal gambling at makulong.
Ang Panginoong Diyos ang gabay ngayon aktor.
At lalo siyang naging mapagmahal na ama.
“Iisa lang ang naging asawa ko,” pagtutuwid ni Rhene
Oo nga naman, ang magandang aktres na si Carmen Ronda lamang ang tanging pinakasalan ni Imperial.
Si Carmen na nakipaghiwalay sa kanya nang ma-involve siya sa illegal gambling.
Hanggang sa mamatay si Ronda ay naging matapat sila sa pag-ibig sa isa’t isa.
Naugnay si Imperial kay Janet, ang kakambal ni Jinky Pacquiao.
Kaya naman may yugto sa buhay ni Rhene na malapit siya sa senador na ngayong si Manny.
Gayunman, naghiwalay din sina Imperial at Janet na napakaganda rin tulad ni Jinky.
Naitanong nga namin kay Rhene kung gaano katotoo ang balitang si Governor Chavit Singson and dahilan ng kanilang paghihiwalay ni Janet.
“Hindi totoo ‘yon. Lagi lang magkasama sina Governor Singson at Janet dahil malapit si gov sa mga Pacquiao lalo na kina Jinky at Manny. E, close sina Janet at Jinky kaya madalas silang nakikita na magkasama pero hanggang do’n lang ‘yon,” pahayag ng matipuno at maginoo pa ring si Rhene.
Sa hitsura ni Imperial ngayon, mas gusto niya ang mga papel na kontrabida ala Vic Diaz na tamang-tama lang sa kanyang persona. (BOY VILLASANTA)
