Inutusan ng Malacañang ang mga tanggapan ng gobyerno sa National Capital Region (NCR) at 12 lalawigan na magpatupad ng angkop na alternative work arrangements nitong Agosto 14, 2026, dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan.
Inilabas ang Memorandum Circular No. 126 (MC 126) ngayong Agosto 14, kasunod ng rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at dahil sa mga heavy rainfall warning na inilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaugnay ng tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Saklaw ng circular ang NCR at mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, Quezon, at Occidental Mindoro.
Ayon sa MC 126, maliban kung may ibang ipag-utos ang kani-kanilang Local Chief Executive, ipatutupad ang mga alternatibong pamamaraan ng pagkatuto para sa mga klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa mga nabanggit na lugar.
Patuloy namang mino-monitor ng pamahalaan ang lagay ng panahon at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng publiko. | *PND*
