Personal na nagtungo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga lugar na matinding naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani Province at General Santos City upang suriin ang lawak ng pinsala at tiyakin ang patuloy na ayuda ng pamahalaan sa mga apektadong residente.
Sa kanyang pagbisita nitong Lunes, nagsagawa muna ang Pangulo ng aerial inspection sa mga nasirang imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng Sarangani na patuloy pang bumabangon mula sa epekto ng malakas na pagyanig noong Hunyo 8.
Kasama sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at iba pang opisyal ng pamahalaan, nagtungo rin si Marcos sa evacuation center sa municipal plaza ng Glan, kung saan pansamantalang nananatili sa mga tent ang mahigit isang daang pamilyang nawalan ng tahanan.
Patuloy namang dumarating ang mga relief goods at iba pang pangunahing pangangailangan para sa mga residente ng Glan habang isinasagawa ang distribusyon ng ayuda sa mga apektadong pamilya.
Ayon kay Glan Mayor Victor James “Tata” Yap Sr., umabot na sa 24 ang naitalang nasawi sa bayan hanggang Hunyo 13. Patuloy rin aniyang nagsasagawa ng search operations ang mga rescue team sa ilang liblib na lugar na naputol ang daan dahil sa pagguho ng lupa.
Ibinahagi rin ni Yap na tuluyang bumagsak ang bagong gusali ng munisipyo na dati nang nasira sa magnitude 6.8 na lindol noong 2024.
Nagpasalamat naman ang alkalde sa mabilis na pagtugon at suportang ipinagkakaloob ng pambansang pamahalaan sa kanilang bayan.
Kabilang sa mga nakatanggap ng ayuda si dating Commission on Elections (Comelec) volunteer Jecel Dave Monton, na ikinuwento kung paano niya iniligtas ang kanyang tatlong taong gulang na anak habang naghahanda namang pumasok sa trabaho ang kanyang asawa nang tumama ang lindol.
“Grabe talaga experience ko. Ito iyong pangyayari na nawala ang lakas ng loob ko,” ani Monton.
Samantala, pansamantalang inilipat sa mga tent sa parking area ang mga pasyente ng Sarangani Provincial Hospital sa Alabel matapos magtamo ng matinding pinsala ang ilang bahagi ng ospital.
Ayon sa pamunuan ng pagamutan, may 23 bagong silang na sanggol na kasalukuyang nasa mga pansamantalang pasilidad, habang 25 pasyente naman ang nanganak noong Hunyo 13 sa kabila ng mga hamon dulot ng kalamidad.
Sinuri rin ng Pangulo ang nasirang Sapu Masla Bridge sa bayan ng Malapatan, isang mahalagang daanan para sa mga residente, magsasaka at mangangalakal sa lugar.
Sa Malapatan National High School, ipinakita ng mga opisyal ng paaralan ang apat na palapag na gusali na matinding napinsala at tuluyang gumuho ang bubong dahil sa lindol.
Ayon kay Malapatan Mayor Salway Sumbo Jr., nananatiling suspendido ang mga klase kasunod ng magnitude 5.6 na aftershock upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
“Mas importante ang kaligtasan ng mga bata,” diin ng alkalde, kasabay ng pagsasabing marami pa sa mga estudyante ang nakararanas ng trauma matapos ang sakuna.
Sa isinagawang situation briefing sa General Santos City, pinakinggan ni Pangulong Marcos ang mga ulat at pangangailangan ng mga lokal na opisyal. Pinangunahan din niya ang turnover ng mga patient transport vehicle at pondo para sa mga apektadong lugar.
Tiniyak ng Pangulo na magpapatuloy ang suporta ng pambansang pamahalaan sa Sarangani at iba pang lalawigan sa Mindanao habang nagsisikap ang mga ito na makabangon mula sa isa sa pinakamalalakas na lindol na tumama sa rehiyon nitong mga nakaraang taon. (LB)
