PBMA 50-UPPER 1ST CONFERNCE: PH Basketball Masters League Aarangkada

Magkakaroon na ng bagong kompetisyon ang mga retiradong professional basketball players at veteran legends sa paglulunsad ng Philippine Basketball Masters Association (PBMA) na opisyal na ipinakilala noong Hunyo 10 sa W9 Hotel sa Parañaque City.

Pinangunahan nina league president Nanette Adriano at dating PBA coach Arlene Rodriguez, na magsisilbing commissioner, ang paglulunsad ng liga na naglalayong bigyan muli ng pagkakataon ang mga beteranong manlalaro na maipakita ang kanilang husay sa hardcourt.

Tampok sa inaugural season ng liga ang PBMA 50-Upper 1st Conference na magsisimula sa Hunyo 28. Lalahukan ito ng walong koponan na binubuo ng dating professional players at seasoned veterans. Isasagawa ang mga laro tuwing Miyerkoles, Biyernes, at Linggo sa loob ng dalawang buwang torneo.

Mapapanood nang live ang mga laban sa opisyal na Facebook page ng PBMA, habang magkakaroon naman ng delayed telecast tuwing Sabado sa Pinoy Xtreme na mapapanood sa Cignal, SkyCable, at mahigit 200 cable channels sa buong bansa.

“This launch is more than just forming an organization — it is about honoring the players who built Philippine basketball and giving them a stage to continue inspiring the public,” ayon kay Adriano.

Dumalo rin sa launching event ang mga kinatawan ng mga koponan mula sa Malolos, DMC, at Lancaster, kasama ang iba pang opisyal ng liga.

Bukod sa lokal na torneo, nakatakda ring magsagawa ang PBMA ng exhibition series sa Guam mula Hulyo 3 hanggang 5 kasabay ng pagdiriwang ng Filipino-American Friendship Day. Inaasahang lalahok dito ang mga kilalang dating PBA stars na sina Alvin Patrimonio, Johnny Abarrientos, Marlou Aquino at Rodney Santos.

Nakatakda rin ang PBMA na maging host ng 10th Phil-Guam Masters Friendship Tournament sa Setyembre 24 hanggang 27 sa San Andres Gym, bago sumabak ang kanilang mga koponan sa Guam Asian Masters Basketball Tournament mula Oktubre 22 hanggang 25. (BONG SON)

Verified by MonsterInsights