Marcos: Hindi Gobyerno ang Nasa Likod ng Gulo sa Senado

Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko na maging kalmado, kasunod ng naiulat na insidente ng putukan sa loob ng Senado nitong Miyerkules ng gabi.

Sa isang video message, tiniyak ng Pangulo na walang utos mula sa pamahalaan para pasukin ang Senado o magsagawa ng anumang operasyon sa loob ng gusali.

Ayon kay Marcos, mahigit dalawang oras na niyang mino-monitor ang sitwasyon at agad niyang kinausap si Jonvic Remulla upang alamin ang ulat mula sa mga pulis na nasa lugar.

“Mga dalawang oras at kalahati ko nang mino-monitor ang sitwasyon. At noong una kong nabalitaan na nagputukan, ang una kong tinawagan ay si Sec. Jonvic Remulla ng DILG,” ani Marcos.

Sinabi rin ng Pangulo na nakipag-ugnayan siya sa National Bureau of Investigation upang tiyakin kung may kinalaman ang kanilang mga tauhan sa insidente.

Ayon sa Pangulo, sinabi ni NBI Director Director Matibag na wala silang natanggap na utos para pumasok sa Senado.

Nilinaw rin ni Marcos na ang mga armadong tauhang nakita sa loob ng Senado ay bahagi ng regular na security personnel na naka-assign sa gusali, kabilang ang mga pulis ng Philippine National Police, mga Marines, at mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms.

Ipinaliwanag din ng Pangulo na walang direktiba upang arestuhin si Senador Ronald dela Rosa.

“Wala pong instruction kahit na kanino na hulihin si Senator Bato,” ani Marcos, kasabay ng pagsasabing pinapaalis na rin niya ang mga tauhan ng NBI sa lugar matapos lumabas ang resolusyon ng Korte Suprema.

Ayon pa sa Pangulo, nakausap na rin niya si Senador Alan Peter Cayetano at nagkasundo silang panatilihin ang kaayusan habang isinasagawa ang imbestigasyon.

“Nag-agree kami. We agree that the thing to do now is to tell our people all to calm down and we will get to the bottom of this,” ani Marcos.

Sinabi rin ng Pangulo na magsasagawa ng joint investigation ang Senado at ang PNP upang matukoy kung isolated incident lamang ito o may intensyong guluhin ang sitwasyon sa Senado.

“At masasabi ko lang at para hindi po mag-aalala ang taong-bayan, hindi po gobyerno ang gumawa nito. Walang pumasok na taga-labas na sundalo, na militar, na NBI sa Senado,” diin ng Pangulo.

Patuloy na nangangalap ng ebidensiya ang mga awtoridad kaugnay ng insidente habang muling nananawagan ang Pangulo ng kahinahunan sa publiko.

“Kalma lang po. Asahan ninyo, ‘yung gobyerno po ninyo hindi gagawin ito,” dagdag ni Marcos. I/I (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights