Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa pamahalaan na agad magpatupad ng isang koordinadong inter-agency strategy upang maprotektahan ang mga trabaho at masuportahan ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na labis na naapektuhan ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Gatchalian, bahagi ang panukala sa mga short-term measures na binuo ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy.
“Ang pagtaas ng presyo ng langis ay maaaring magdulot ng mas maraming tanggalan sa trabaho at freeze hiring, lalo na sa mga sektor na nakadepende sa transportasyon, kuryente, at delivery,” aniya.
Bilang chairman ng PROTECT panel, iginiit ng senador na kinakailangang maglaan ang pamahalaan ng concessional credit para sa MSMEs, gayundin ng pansamantalang operational support para sa mga sektor na higit na naaapektuhan ng tumataas na presyo ng langis.
Iminungkahi rin ni Gatchalian ang paggamit ng humigit-kumulang ₱1.965 bilyong hindi pa nagagastos na pondo ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa MSMEs sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act upang agad na makatulong sa sektor.
Dagdag pa niya, maaari ring i-realign ang karagdagang ₱309.9 milyong hindi pa nagagamit mula sa 2025 continuing appropriations ng DTI para sa mga programang susuporta sa maliliit na negosyo.
Binigyang-diin din ng senador na dapat samahan ang mga hakbang na ito ng mga emergency support program mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), partikular sa reskilling at upskilling ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dulot ng krisis. (LB)
