Goitia: Walang Selektibong Soberanya

Mariing iginiit ng isang opisyal na hindi maaaring maging “selektibo” ang paggalang sa soberanya, sa gitna ng magkakasalungat na paninindigan ng Tsina sa usapin ng pandaigdigang seguridad at sa West Philippine Sea.

Nauna nang kinondena ng Tsina ang pag-atake ng Estados Unidos sa Iran at iginiit na ito ay paglabag sa soberanya at banta sa pandaigdigang kaayusan. Tinawag pa ng isang opisyal ng kanilang Defense Ministry ang Amerika na isang “war addict,” at nanawagan ng paggalang sa teritoryal na integridad ng Iran at pagbabalik sa dayalogo.

Ayon kay Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia, mahalaga ang soberanya bilang sandigan ng mga bansang umaasa sa batas upang maprotektahan ang kanilang karapatan laban sa mas malalakas na kapangyarihan, ngunit hindi ito maaaring igalang lamang kung kailan maginhawa.

“Ang soberanya ay hindi sandata sa diskurso. Ito ay obligasyong dapat igalang ng bawat bansa, nang walang eksepsyon,” ani Goitia.

Binigyang-diin niya na kung iginigiit ng Tsina ang paggalang sa soberanya ng Iran, nararapat lamang na igalang din nito ang mga karapatang iginawad sa Pilipinas ng 2016 arbitral ruling kaugnay ng West Philippine Sea.

Sa ilalim ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas na kinumpirma ng arbitral tribunal, ilang ulit nang napaulat ang paggamit ng water cannon at agresibong pagmaniobra ng mga barko ng China Coast Guard laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.

Walang bisa ang tinatawag na nine-dash line, ayon sa tribunal, at kinilala ang mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng EEZ nito. Gayunman, pinili umano itong balewalain ng Tsina, habang patuloy ang presensya at mga insidente sa naturang karagatan.

“Ang expansionism ng Tsina ay hindi basta reaksyon. Ito ay sinadyang estratehikong hakbang, na dahan-dahang isinasakatuparan sa pamamagitan ng patuloy na presensya at presyur,” dagdag ni Goitia.

Aniya, ang kredibilidad ng isang bansa ay nakasalalay sa pagkakapare-pareho ng salita at gawa.

“Walang moral na awtoridad ang sinumang pumipili lamang kung kailan igagalang ang soberanya. Hindi maaaring manawagan ng paggalang sa ibang rehiyon habang nagsasagawa ng presyur sa loob ng legal na karapatan ng iba,” aniya.

Iginiit din ni Goitia na hindi ito usapin ng pakikipagkampihan sa malalaking kapangyarihan kundi malinaw na pagtatanggol sa mga karapatang pinagtibay ng internasyonal na batas, kabilang ang mga karagatang nasa loob ng EEZ ng Pilipinas.

Hindi aniya naghahanap ng alitan ang Pilipinas, ngunit hindi rin ito dapat manahimik kapag sinusubok ang mga hangganan nito.

Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA. (Bong Son)

Verified by MonsterInsights