Pinangunahan ni First Lady Louise Araneta-Marcos nitong Martes ang seremonyal na turnover ng mga bagong tayong vendor kiosk sa Pasig River Esplanade, ang panibagong mahalagang hakbang sa pagsisikap ng administrasyon na buhayin muli ang makasaysayang ilog.
Ang proyekto ay bahagi ng Pasig Bigyang Buhay Muli (PBBM) Project, isang pangunahing inisyatiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na layong gawing masiglang sentro ng kultura, libangan, at turismo ang 25-kilometrong riverfront ng Pasig River.
Sa isinagawang seremonya, pormal na ipinagkaloob sa mga vendor ang 47 kiosk at 18 chamber na may 22 negosyo, na magbibigay ng bagong mga oportunidad sa kabuhayan para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Sa kabuuan, 80 kiosk ang itatayo sa kahabaan ng riverwalk na magsisilbing puwesto ng iba’t ibang uri ng negosyo, kabilang ang mga food stall, grooming at salon services, novelty at flower shop, at mga tindahan ng lokal na produkto at sining.
Gawa sa kahoy at bakal, ang mga kiosk ay may sukat na 2×2 talampakan at 2×3 talampakan, at pumalit sa mga pansamantalang pop-up tent na dating nakatayo sa tabing-ilog. Layunin ng proyekto na mabigyan ang mga vendor ng mas ligtas, mas matibay, at mas maayos na mga espasyong pang-negosyo.
Matatagpuan ang mga kiosk sa bahagi ng Intramuros ng Pasig River Esplanade, na kumukumpleto sa natapos na riverbank walkway mula Fort Santiago hanggang Jones Bridge, at inaasahang magsisilbi sa libu-libong bisita araw-araw.
Ang proyekto ng mga vendor kiosk ay pinangungunahan ng Office of the First Lady, katuwang ang Office of the Presidential Adviser for Pasig River Rehabilitation, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Intramuros Administration, habang ang Megaworld Corporation ay nagbigay ng teknikal na tulong sa unang yugto ng komersyal na operasyon.
Bukod sa pagpapalakas ng kalakalan at turismo, ipinapakita rin ng proyekto ang matibay na pangako ng administrasyon sa pangangalaga at pagpapanatili ng kalinisan ng Pasig River sa pamamagitan ng mas pinaigting na waste management system.
Upang masiguro ang kalinisan ng lugar, ipinatutupad sa esplanade ang “clean-as-you-go” policy na may wastong paghihiwalay at pagtatapon ng basura.
Ang Pasig River Esplanade ay bukas sa publiko araw-araw mula Lunes hanggang Linggo, habang ang mga komersyal na operasyon ay isinasagawa mula 4:00 ng hapon hanggang 12:00 ng hatinggabi.
