Marcos: Kabataang Pilipino, Susi sa Pagbuo ng Mas Mabuting Kinabukasan

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mahalagang papel ng kabataang Pilipino sa paghubog ng kinabukasan ng bansa, kasabay ng pagkilala sa 2025 Outstanding Young Men & Women TOYM awardees sa ginanap na awarding ceremony sa Malacañan Palace nitong Enero 22.

Si Executive Secretary Ralph Recto ang nagpahayag ng talumpati ni Pangulong Marcos sa Kalayaan Hall.

Ayon sa Pangulo, ang kahusayan umano ay hindi nasusukat sa edad, kundi sa layunin at epekto ng paglilingkod sa kapwa.

“Sa loob ng higit anim na dekada, ang TOYM Awards ay nagpapaalala na ang edad ay hindi hadlang sa kahusayan,” ani Marcos, sabay banggit na ang tema ng selebrasyon ngayong taon na “Excellence in Action, Building a Better Tomorrow” ay sumasalamin sa adhikain ng administrasyong Bagong Pilipinas.

Ayon sa Pangulo, sa kasalukuyang panahon, mahalagang maisabuhay ang kahusayan sa bawat gawain upang makalikha ng pangmatagalang positibong epekto sa buhay ng mga Pilipino.

Kinilala sa seremonya ang mga indibidwal na nagpakita ng tapang, paninindigan, at kahusayan sa kani-kanilang larangan.

Pinuri ni Marcos si Atty. Baguilat sa paggamit ng kanyang kaalaman sa batas upang ipagtanggol ang karapatan ng mga katutubong pamayanan at maisulong ang pagkilala sa kanilang karapatan sa sistemang legal at educational.

Binigyang-pugay rin si Mr. Dionisio, isang innovator na nakipagtulungan sa mga Aeta sa Zambales upang maibalik ang kagubatan at makalikha ng mga kabuhayang may malasakit sa kalikasan at sa komunidad.

Kinilala rin si Dr. Aruta sa pangunguna sa pag-uugnay ng isyu ng climate change at mental health, at sa pagtatatag ng isang institusyong nagbibigay-liwanag sa epekto ng pagkasira ng kalikasan sa kalusugang pangkaisipan, partikular sa mga bansa sa global south.

Samantala, pinarangalan si Dr. Onda bilang kauna-unahang Pilipino na nakaabot sa Emden Deep—ang ikatlong pinakamalalim na bahagi ng karagatan sa mundo—gayundin sa kanyang pamumuno sa mga siyentipikong ekspedisyon sa West Philippine Sea at pananaliksik hinggil sa marine plastic pollution at microbial ecology.

Ayon kay Marcos, pinatutunayan ng mga awardee na ang tunay na pamumuno ay may kaakibat na malalim na layunin at malasakit sa bayan.

“Sa inyo, nakikita natin ang isang henerasyong matatag, may malinaw na direksiyon, at handang maglingkod,” ani ng Pangulo.

Hinimok niya ang mga pinarangalan na ipagpatuloy ang pamumuno nang may integridad at pagkilos nang may malasakit, kasabay ng panawagan sa lahat ng kabataang Pilipino na tularan ang halimbawa ng mga awardee.

Nagpasalamat din ang Pangulo sa Junior Chamber International Philippines at sa TOYM Foundation sa patuloy na pagpapanatili ng tradisyong humihikayat sa kabataan na magsilbi at magtagumpay.

“Ang kahusayan ay nagiging posible kapag pinili nating gamitin ang ating mga talento sa paglilingkod sa kapwa,” ani Marcos.

Tinapos ng Pangulo ang mensahe sa panawagang ipagpatuloy ang sama-samang pagsisikap para sa mas mabuting kinabukasan, alinsunod sa bisyon ng Bagong Pilipinas. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights