DepEd Inclusivity Programs Para sa mga Sektor na Nangangailangan, Palalakasin sa 2026

Tinutulak ng Department of Education (DepEd) ang mas malinaw at mas estratehikong pagtutok sa 2026 budget upang palakasin ang Inclusive Education programs at higit na mapalawak ang access sa edukasyon sa buong bansa. 

Alinsunod sa direksyon ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinangungunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang mga hakbang na naglalayong magbigay ng mas patas at makabuluhang oportunidad sa learners with disabilities, indigenous communities, out-of-school youth, at iba pang sektor na matagal nang nahaharap sa mga hadlang sa edukasyon.

Malaking bahagi ng panukalang FY 2026 budget na kasalukuyang isinasalang sa bicameral conference, ang inilaan upang patatagin ang mga programang sumusuporta sa milyun-milyong mag-aaral mula sa iba’t ibang marginalized groups.

“Kasama sa pinakamahalagang prayoridad natin at ni President Bongbong Marcos ang pagtitiyak na mas magiging inklusibo ang ating edukasyon para mabigyan sila ng patas at mas malawak na pagkakataong abutin ang kanilang mga pangarap,” ani Secretary Angara.

Batay sa panukalang budget na inaprubahan ng Senado, tatanggap ng PhP1.04 bilyon ang Special Needs Education (SNED) program na nagbibigay ng mahalagang suporta sa learners with special needs.

Naglaan din ang DepEd ng PhP897 milyon para sa Alternative Learning System (ALS) sa 2026 upang matulungan ang mahigit 639,782 ALS learners na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral, kabilang ang capacity-building para sa 500 ALS implementers, na nakatuon sa micro-certification upang higit pang mapaunlad ang kanilang kakayahan sa pagtuturo.

May PhP522 milyon ding inilaan upang palakasin ang Madrasah Education Program para sa Muslim learners, kung saan inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 149,031 ALIVE learners mula sa 4,046 na paaralan. Samantala, aabot sa PhP154 milyon ang suporta para sa Indigenous Peoples Education (IPEd) program, na magseserbisyo sa tinatayang 482,329 IPEd learners.

Mula nang ilunsad ni Secretary Angara ang Five-Point Reform Agenda isang taon na ang nakalipas, tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng DepEd ng mga inclusivity reforms, kabilang ang pagtatayo ng Inclusive Learning Resource Center (ILRC) facilities na may e-library, instructional materials, at iba pang kagamitang angkop sa iba’t ibang pangangailangan ng mga mag-aaral.

Pinagtibay rin ni Angara ang mas pinalakas na pagtutok ng DepEd sa ALS bilang mahalagang mekanismo upang matulungan ang mga learners na naghahanap ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon. 

Sa pakikipagtulungan sa UNICEF, nakapagtapos ang humigit-kumulang 400 ALS learners sa Micro-Certification Program na nagbukas ng mas malinaw na landas patungo sa trabaho at kabuhayan.

Nakipag-ugnayan din ang DepEd sa Special Olympics Pilipinas upang suportahan ang inclusion ng individuals with intellectual disabilities sa pamamagitan ng mga transformative sports programs.

Sa mga susunod na buwan, inaasahang paiigtingin pa ng DepEd ang mga hakbang upang maisulong at ma-institutionalize ang inclusive education sa buong sistema ng edukasyon.

Bilang bahagi ng inobasyon, ginagamit din ng Education Center for AI Research (ECAIR) ng DepEd ang Screening using AI-Based Assistance for Young Children (SABAY) project—isang AI-powered digital tool na tutulong sa pagtukoy ng mga batang maaaring may panganib sa developmental delays o disabilities.

Muling tiniyak ni Secretary Angara na nananatiling matatag ang DepEd sa layuning mabigyan ang bawat mag-aaral—anumang kalagayan, identidad, o sitwasyon—ng dekalidad at nagbibigay-lakas na edukasyon. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights