CAYETANO, PINURI ANG TAMBALANG TAGUIG LGU AT LIFESKILLS PH SA PAGGABAY SA KABATAANG TAGUIGEÑO

PARA kay Senador Alan Peter Cayetano, higit pa dapat sa limitasyon ng tradisyonal na edukasyon ang paggabay sa susunod na henerasyon na mga Taguigeño.

 

Ito ang mensahe ng senador noong Miyerkules sa paglagda ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ng Memorandum of Agreement kasama ang Lifeskills PH para sa kanilang tambalan sa Technical and Vocational Education.

 

Sa pagbabahagi kung paano nangyari ang tambalang ito, ikinuwento ni Cayetano kung paano niya at ng kanyang asawa, na si City of Taguig Mayor Lani Cayetano, ipinagdasal at pinagnilay-nilay noong pandemya kung paano nila mas mapaglilingkuran ang Taguig gayong tatlong dekada na sila sa serbisyo publiko.

 

“[Mayor] Lani and I were at the stage when we realized that it’s not about what we are supposed to do but also what we’re supposed to pass on. It’s about mentoring the next generation,” wika ng laking Taguig na senado.

 

Sa pagbanggit sa Hosea na isa sa kanyang paboritong libro sa Bibliya, ibinahagi ng senador ang malungkot na katotohanan kung paano namamatay ang mga tao dahil sa kakulangan ng kaalaman at kung paano nauugnay ito sa buhay ng mga Pilipino.

 

“Matalino ang anak mo pero hindi mo alam na may scholarship. Hindi nakapag-aral kaya namatay ang pangarap niya,” paliwanag niya habang binibigyang-diin ang katakut-takot na epekto ng kakulangan ng kaalaman at kasanayan sa buhay.

 

Kaya naman pinuri ni Cayetano ang tambalan ng Lifeskills PH kasama ang Taguig at sinabing magdadala ang buong grupo hindi lamang ng kasanayan sa buhay, kundi pati na rin ng pag-asa, pagtuturo, at paghahanda sa susunod na henerasyon.

 

Nabuo ang inisyatibong ito sa pagitan ng Taguig LGU at Lifeskills PH, sa pangunguna nina President Cecile Ang at Director of Partnerships Jose Mari Oquinñena, para mapalakas ng mga Taguigeño ang kanilang mga teknikal at praktikal na kasanayan upang magkaroon ng magandang trabaho.

 

Partikular na tinatarget nitong inisyatiba ang mga mag-aaral at out-of-school youth, at layuning mag-alok ng iba’t ibang kurso mula sa beverage specialists, housekeeping, banquet service, contact center, programming, at life skills.

 

Malalim na sumasalamin sa pangako ng LGU na pagyamanin ang mga talento at kakayahan ng mga mamamayan nito ang damdamin ni Cayetano sa pagbibigay ng higit pang mga opsyon para sa hinaharap ng mga Taguigeño.

 

Sa pamamagitan ng iba’t ibang mga inisyatibo, patuloy na sinusuportahan ng Taguig LGU ang hanapbuhay at kabuhayan ng kanilang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga job fair at placement programs, at matagumpay na pag-endorso ng mga oportunidad sa trabaho sa 140,000 aplikante.

 

 “I hope that in the end, any young person, not only in Taguig but in Luzon, Visayas, and Mindanao, pati ang mga anak ng OFWs, will not be told ‘beggars can’t be choosers. Mayroon na silang choice but we have to provide the knowledge and Lifeskills PH will provide for it not just from the textbooks and four corners of the classroom,” aniya. (NINO ACLAN)

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights