Gawang-Pilipinas na COBRA Weapon System, Hakbang Patungo sa Mas Malakas na Self-Reliant Defense
Pormal nang itinurn-over ng Department of Science and Technology (DOST) sa Department of National Defense (DND) ang gawang-Pilipinas na Controller Operated Battle Ready Armament (COBRA) automated weapon system—isang makabuluhang milestone sa pagsusulong ng mas matatag at modernong defense capability ng bansa.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang turn-over ay malinaw na patunay na kaya ng Pilipinas na lumikha ng sariling kakayahang pangdepensa at hindi lamang umasa sa imported na teknolohiya. Iniuugnay rin niya ang tagumpay na ito sa direksyong itinatakda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa larangan ng modernisasyon at self-reliance.
“Hindi nasusukat ang lakas ng bansa sa mga inaangkat nito, kundi sa mga kaya nitong likhain para sa sarili,” aniya.
Ang COBRA system, na binuo ng DOST–Metals Industry Research and Development Center (MIRDC), ay idinisenyo para sa .50-caliber weapons at maaaring ikabit sa iba’t ibang sasakyang pandigma. Para kay Goitia, ito ay indikasyon ng kahalagahan ng siyensiya at husay ng Pilipino sa nation-building, lalo na sa patuloy na kooperasyon ng DOST, DND, at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapalakas ng defense posture ng bansa.
Matagal nang nakaasa ang Pilipinas sa dayuhang kagamitan sa depensa, ngunit ayon kay Goitia, ang COBRA ay nagpapakita na handa na ang bansa na paunlarin ang sarili nitong defense capabilities. Pinuri rin niya ang administrasyong Marcos sa paglikha ng kapaligiran na nagtataguyod ng inobasyon at nagbibigay-kapangyarihan sa mga institusyong bumubuo ng praktikal at makabuluhang solusyon.
“Ang inobasyon ay nagiging tunay na mahalaga kapag pinatitibay nito ang kakayahan ng estado na pangalagaan ang mamamayan,” pahayag ni Goitia.
Dagdag pa niya, ang pagbubuo ng local defense systems ay sumasalamin sa pangmatagalang layunin ng pamahalaan na patatagin ang pambansang seguridad habang sinasabayan ng AFP ang mga hamon ng modernong panahon.
Tinitingnan ng Philippine Army ang COBRA bilang mahalagang bahagi ng kanilang modernization efforts dahil sa kakayahan nitong paigtingin ang mobility, precision, at mission adaptability, habang binabawasan ang pagdepende sa imported equipment.
“Ang paggamit ng sariling gawang teknolohiya ay pag-iinvest hindi lamang sa sandata kundi sa kinabukasan ng ating pambansang depensa.”
Binanggit ni Goitia na ang paggamit ng lokal na teknolohiya ay nagpapalakas ng kumpiyansa sa loob ng militar at sa publiko, at indikasyon na ang AFP at DND ay seryosong tumutugon sa pangangailangan ng modernisasyon na may malinaw na direksyon at praktikal na benepisyo.
Binigyang-diin ni Goitia na ang COBRA project ay bunga ng matatag na koordinasyon ng DOST, DND, at Philippine Army—isang modelo ng pamahalaang kumikilos nang magkakaugnay at may iisang layunin. Ipinuri rin niya si Pangulong Marcos sa pagsusulong ng inter-agency collaboration na nagreresulta sa konkretong output.
“Kapag nagkakaisa ang mga ahensya, nakikita ng publiko ang gobyernong kayang tugunan ang tunay na pangangailangan.,” saad ng opisyal.
Para kay Goitia, ang COBRA ay hindi lamang bagong kagamitan sa arsenal ng bansa, kundi simbolo rin ng lumalakas na tiwala sa kakayahan ng Pilipino at ng seryosong intensyon ng pamahalaan na patatagin ang sariling depensa. Aniya, ito ay tugma sa direksyong itinakda ni Pangulong Marcos upang makamit ang isang modernisado, makabago, at self-reliant na Sandatahang Lakas.
“Ang bansang naniniwala sa sariling kakayahan ay nagiging mas matatag at mas marangal. Ang tunay na pag-unlad ay ginagawa, hindi inaangkat,” pagbibigay-diin ni Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic-oriented organizations: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, na nagsusulong ng katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino.
