Nagdagdag ang Senate Committee on Finance ng pondo para palawakin pa ang School Based-Feeding Program ng Department of Education (DepEd) at ang Supplementary Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development, ayon kay Senador Win Gatchalian.
Sa ilalim ng Senate committee report sa panukalang 2026 national budget, dinagdagan pa ng P15.06 bilyon ang P13.61 bilyon na nakalaan na sa ilalim ng General Appropriations (GAB) Bill (House Bill No. 4058).
Gamit ang halos P28.67 bilyong pondo, maipapatupad ng DepEd ang feeding program sa loob ng 200 araw o katumbas ng isang buong school year, kung saan inaasahang 4.8 milyong mga mag-aaral ang makikinabang sa naturang programa.
Sasaklawin ng programa ang lahat ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1. Magpapatuloy ang suporta ng programa sa mga ‘wasted’ at ‘severely wasted learners’ mula Grade 2 hanggang Grade 6.
Makakatanggap naman ang Supplementary Feeding Program ng dagdag na P3.3 bilyon maliban sa P3.32 bilyon na inilaan sa ilalim ng GAB. Mapapalawak ng naturang pondo ang bilang ng feeding days ng programa mula 120 hanggang 180.
Mahigit 1.8 milyong mga batang wala pang limang taong gulang na naka-enroll sa mga Child Development Centers (CDCs) ang inaasahang makikinabang sa naturang programa. (LB)
