Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang taunang “Balik Sigla, Bigay Saya 2025” nationwide gift-giving activity sa Kalayaan Grounds ng Malacañan Palace nitong Disyembre 6, 2025, kung saan personal niyang sinalubong ang daan-daang bata at naghatid ng mensahe ng pasasalamat at pagdiriwang ngayong Kapaskuhan.
“Magandang umaga sa inyong lahat… Good morning boys and girls. Merry Christmas!,” pambungad na pagbati ng Pangulo.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Pangulong Marcos na nabibigyan ng bagong sigla ang Malacañan sa tuwing napupuno ito ng kabataan. Aniya, sa mga regular na araw ay abala sa trabaho ang mga nasa Palasyo, ngunit nagiging magaan ang atmospera kapag may mga batang bumibisita.
“Ngayon lang, pag nandito kayong mga bata, kaya makita mo sila lahat nakangiti, lahat magaang ang loob at lahat naramdaman ulit ang tunay na Pasko dahil nakita natin iyong inyong mga ngiti, iyong inyong magagandang mga mukha,” ayon kay Pangulong Marcos.
Biro pa niya, naaalala rin nila ang sariling kabataan kahit aniya ay “ten years ago lang naman ‘yun,” dahilan para magbalik sa kanila ang alaala ng masasayang Pasko.
Binanggit din ng Pangulo ang kahalagahan ng pagdiriwang ng Pasko bilang panahon ng pasasalamat sa mga natanggap na biyaya. Giit niya, pinakamahalagang biyaya ng bansa ang kabataang Pilipino.
“The biggest treasure that we have here in the Philippines are these, our children, the future of our country,” ani Pangulong Marcos.
Ikinatuwa rin niya ang kasiyahan ng mga batang sumayaw at nakisaya sa programa.
“Tama ‘yan, mag-enjoy kayo… kayo mga bata, kayo ang nagdadala niyan para sa amin,” aniya.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang presensya ng mga bata ang nagpapatibay ng loob ng mga lingkod-bayan na patuloy na magtrabaho para sa kinabukasan ng bansa.
“Kapag kami nakikita namin kayo, naaalala namin kaya kami nagtatrabaho, hindi para sa sarili namin, kung hindi para sa inyo… kayo ang dahilan sa lahat ng aming ginagawa,” saad niya.
Sa pagtatapos ng programa, muling pinasalamatan ng Pangulo ang mga bata sa pagdala ng saya sa Malacañan at binati sila ng mainit na pagdiriwang ng kapaskuhan.
“Kaya Merry Christmas sa inyo lahat, maraming salamat sa pagdala ninyo ng saya dito… Merry Christmas. Happy New Year!” (LB)
