DepEd, pinalawak ang Dynamic Learning Program para tuloy-tuloy ang pagkatuto matapos ang mga bagyo

Agad kumilos ang Department of Education (DepEd) upang hindi maapektuhan ang pag-aaral ng mga mag-aaral na biktima ng magkakasunod na malakas na bagyong Tino at Uwan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Agad na nakipag partner ang DepEd sa PLDT Inc, Smart Communications at Central Visayan Institute Foundation (CVIF) upang palawakin ang pagpapatupad ng Dynamic Learning Program (DLP) na naglalayong maipagpatuloy ang edukasyon sa pamamagitan ng ligtas at flexible na pamamaraan na pag-aaral.

Bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa maagap at epektibong pagtugon sa mga naapektuhang komunidad, gagamitin ng DepEd ang DLP bilang pangunahing Alternative Delivery Mode (ADM) para sa mga mag-aaral sa Junior High School, habang ipinamamahagi naman ang Learning Packets para sa Kinder, Elementary, at Senior High School learners — upang matiyak na magpapatuloy ang edukasyon nang ligtas at makabuluhan sa gitna ng pagbangon ng mga komunidad.

“Ang kaligtasan ng mga bata ang unang isinasaisip natin. Pero kapag ligtas na ang mga mag-aaral at may pagkakataon, tuloy dapat ang pag-aaral,” ani Education Secretary Sonny Angara.

Ang CVIF-DLP, na binuo ng mga Ramon Magsaysay Awardees Dr. Chris Bernido at ng yumaong Dr. Marivic Carpio-Bernido, ay nagtataguyod ng independent learning gamit ang mga single-page Learning Activity Sheets (LAS) na hinahati ang mga komplikadong aralin sa mas madaling maintindihang mga gawain. Ang DLP para sa Junior High School ay dinisenyo upang umangkop sa iba’t ibang learning environment ng mag-aaral at palakasin ang kanilang kakayahang matuto nang mag-isa.

Kasabay nito, ipinamamahagi naman ang Learning Packets para sa mga mag-aaral sa Kinder, Elementary, at Senior High School, na naglalaman ng mga gawaing angkop sa edad tulad ng pagsusulat, pagbasa, pakikipag-usap, at problem-solving. Ang mga naka-print na kopya ay ipamimigay sa mga paaralan at evacuation centers, habang mananatiling maida-download at mapapanood online ang digital na bersyon.

Para naman sa mga mas batang mag-aaral na nangangailangan ng gabay ng magulang o tagapag-alaga, magagamit din ang mga curated educational videos na maaaring i-stream o i-download bilang dagdag na suporta.

Ang partnership ng DepEd sa PLDT, Smart, at CVIF ay pormal na nagpapatibay sa ilang taong pagtutulungan upang maipalaganap ang DLP sa buong bansa. Mula pa noong 2010, mahigit 32,000 guro na ang nasanay at higit 1,000 paaralan na ang gumagamit ng programa.

“The agreement with DepEd will widen access to this proven learning solution, which was conceptualized, tested, and proven effective right here in the Philippines,” ani Manuel V. Pangilinan, Chairman at CEO ng PLDT.

Kinumpirma rin ng DepEd na ipamimigay ang mga naka-print na kopya ng Learning Activity Sheets at Learning Packets sa mga apektadong komunidad, habang mananatiling bukas ang online links para sa mas malawak na akses.

“Sa panahon ng kalamidad, hindi dapat maputol ang pag-asa at pagkatuto,” ani Angara. “Iyan ang pangako ng DepEd — na kahit anong unos, tuloy-tuloy ang edukasyon para sa bawat batang Pilipino.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights