PBBM, NANGUNA SA PAGTUTULAK NG EKONOMIYA NG PILIPINAS SA APEC SUMMIT SA KOREA

Isinulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pangunahing estratehikong layunin ng Pilipinas sa ekonomiya at depensa sa serye ng mga pulong kasama ang mga top South Korean companies sa gilid ng 2025 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Busan.

Nakipagpulong ang Pangulo sa Hanwha Ocean, isa sa pinakamalaking shipbuilding companies sa Korea, upang talakayin ang plano nitong tumulong sa submarine program ng Philippine Navy. Kabilang sa mga mungkahi ng Hanwha ang pagtatayo ng submarine base, maintenance at repair center, at pagsasanay para sa mga Pilipinong naval operator at commander gamit ang makabagong simulator at teknolohiya.

Inilahad din ng Hanwha ang kanilang plano na magdevelop ng KSS-III PN submarines na may modern sonar at combat systems at lithium-ion batteries para sa mas mahabang operasyon sa ilalim ng dagat. Kasama rin dito ang technology transfer at pakikipag-partner sa mga lokal na industriya upang mapaigting ang kakayahan ng bansa sa sariling depensa.

Nakipagkita rin ang Pangulo sa DL Group, sa pamamagitan ng subsidiary nitong DL E&C, ay nakipag-partner sa Meralco para sa small modular reactor (SMR) projects sa bansa — mga kompaktong nuclear plant na ligtas, malinis, at mas mabilis maitayo kaysa sa tradisyunal na planta.

Samantala, sa isang high-level meeting sa Samsung Electro-Mechanics Co., Ltd. (SEMCO), nasaksihan ni Marcos ang paglagda ng Supplemental Agreement sa pagitan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at Samsung Electro-Mechanics Philippines Corporation (SEMPHIL).

Layon ng kasunduan na higit pang patatagin ang pamumuhunan ng high-technology industries sa bansa. Tinalakay din ng mga opisyal ng Samsung ang ₱50.7 bilyong expansion project ng kanilang planta sa Calamba, Laguna, na magbubukas ng mahigit 3,000 bagong trabaho para sa mga Pilipinong engineer at technician.

Ang proyektong ito ay malaking hakbang tungo sa pagpapalakas ng papel ng Pilipinas sa global electronics at electric vehicle (EV) supply chain, at pagsuporta sa vision ni Pangulong Marcos na gawing regional manufacturing at innovation hub ang bansa. (LB)

Verified by MonsterInsights