PhilHealth YAKAP Program, Inilunsad sa Sektor ng Manggagawa

Mas Pinalapit na Serbisyo, Mas Pinalakas na Proteksyon para sa Manggagawa

Ang mga manggagawang Pilipino ay nagsusumikap araw-araw para sa ikabubuti ng kanilang pamilya at kinabukasan. Sa katunayan, humigit-kumulang isang-katlo ng ating buhay ay ginugugol sa trabaho. Sa kabila nito, marami pa rin sa ating mga kababayan, lalo na ang mga empleyado, ang walang sapat na oras o akses sa serbisyong pangkalusugan.  

Bilang tugon dito, inilunsad ng PhilHealth ang Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) para “Malayo ka sa Sakit” na layuning gawing mas madali at abot-kamay ang primary care para sa lahat, lalo na sa mga abalang manggagawa. Hindi kailangang magkasakit para magpatingin at, ang YAKAP ay isang unang hakbang tungo sa pangangalaga, kahit walang iniindang karamdaman.  

Ang YAKAP ay isang konkretong hakbang ng PhilHealth sa ilalim ng direkta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. tungo sa Universal Health Care (UHC) para sa bawat Pilipino. Sa pamamagitan ng programang ito, sisiguruhing walang manggagawang maiiwan sa layunin ng gobyerno na isang malusog na bayan. 

Inilunsad ngayong araw ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang YAKAP sa Yazaki-Torres Manufacturing Inc., Calamba City, upang direktang maabot ang employed sector. Ang seremonya ay pinangunahan nina DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma at PhilHealth President and CEO, Dr. Edwin M. Mercado, na kapwa nagbigay-diin na ang kalusugan ay pundasyon ng masigla at produktibong lakas-paggawa. 

Ito ay bahagi ng aming settings-based registration approach, kung saan nilalapitan na mismo ng PhilHealth ang mga tao kung nasaan sila, sa mga opisina, eskwela, o komunidad. Layunin naming mas mapalawak ang saklaw at mas mapabilis ang serbisyo,” ayon kay PhilHealth Acting President and CEO Dr. Edwin Mercado. 

Ang estratehiya namin ay strategic implementation. Gusto naming tiyakin na habang pinapalawig natin ang serbisyo, pinapahusay din ang kalidad at abot nito.”, dagdag ni Dr. Mercado.  

Sa pagtutok sa primary care ng employed sector sa pamamagitan ng PhilHealth YAKAP, mas pinapalawak nito ang saklaw ng UHC at pinatitibay ang pundasyon ng isang mas inklusibo at epektibong sistemang pangkalusugan.  

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa PhilHealthYAKAP, maaaring bumisita sa PhilHealth website www.philhealth.gov.ph o tumawag sa PhilHealth hotline: (02) 866-225-88 o mobile numbers (Smart) 0998-857-2957, 0968-865-4670, (Globe) 0917-1275987 or 0917-1109812.

Verified by MonsterInsights