BOC-NAIA Nasabat ang ₱227 Milyong Halaga ng High-Grade Marijuana sa NAIA Terminal 3

Muling pinatunayan ng Bureau of Customs – Port of NAIA ang kahandaan nito sa pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa mga paliparan at pigilan ang pagpasok ng ilegal na droga, matapos masabat ang 151,334 gramo ng hinihinalang high-grade marijuana (Kush) sa NAIA Terminal 3 noong Setyembre 7, 2025. Ito ang pinakamalaking drug seizure sa kasaysayan ng BOC-NAIA.

Ang mga nasabing kontrabando ay natagpuan sa anim na checked-in baggage na pag-aari ng dalawang Pilipinong pasahero mula Bangkok, Thailand, sakay ng Cebu Pacific Flight 53932.

Sa isinagawang routine passenger profiling, napag-alamang kahina-hinala ang imahe ng mga bagahe sa x-ray screening, kaya’t isinailalim ito sa 100% physical inspection. Dito nadiskubre ang mga transparent na pakete ng hinihinalang Kush.

Kinumpirma rin ng PDEA K9 unit ang presensya ng ilegal na droga matapos suriin ang nasabing mga bagahe. Agad na inaresto ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas.

Sa isinagawang opisyal na imbentaryo, nakumpirma ang kabuuang bigat na 151,334 gramo na tinatayang may halagang ₱227 milyon sa ilegal na merkado. Ang mga nasamsam na droga at ang mga suspek ay isinailalim na sa kustodiya ng PDEA para sa masusing imbestigasyon at karampatang disposisyon.

Ang matagumpay na operasyon ay naisakatuparan sa pamamagitan ng mahigpit na koordinasyon ng BOC-NAIA sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).

Pinuri ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang Port of NAIA sa matagumpay na operasyon. Aniya, “Ang mahalagang pagkakasabat na ito ay patunay ng pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa drug trafficking at sa masusing pagbabantay sa ating mga hangganan. Mananatiling mapagmatyag at matatag ang Bureau of Customs sa pagpigil sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.”

Binigyang-diin naman ni District Collector Alexandra Y. Lumontad ang kahalagahan ng koordinadong aksyon at mahigpit na pagpapatupad ng batas:

“Ipinapakita ng tagumpay na ito ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas at matibay na pagtutulungan ng mga ahensya. Ang BOC-NAIA ay patuloy na nakatuon upang masigurong hindi magagamit ng mga sindikato ng droga ang ating mga paliparan.”

Ang malaking drug seizure na ito ay muling nagpapatibay sa mahalagang papel ng BOC-NAIA sa pambansang seguridad at sa kaligtasan ng publiko, sa pamamagitan ng mas pinatibay na border protection at law enforcement efforts.

xxxxxxxxxxxx

BOC–Iloilo Lumahok sa 125th Philippine Civil Service Anniversary Fun Run; Pinagtibay ang Ugnayan sa Isla LPG Corporation

Lumahok ang mga kawani ng Bureau of Customs–Port of Iloilo sa selebrasyon ng 125th Philippine Civil Service Anniversary Fun Run na ginanap sa Iloilo Freedom Grandstand, sa pangunguna ni District Collector Noli P. Santua, Jr.

Layunin ng aktibidad na ito na isulong ang pisikal na kalusugan at mental na kagalingan ng mga lingkod-bayan, gayundin ang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng malusog na pamumuhay bilang suporta sa tapat at mahusay na serbisyo sa publiko.

Samantala, pinangunahan din ni Collector Santua ang mainit na pagtanggap sa mga kinatawan ng Isla LPG Corporation sa kanilang courtesy visit sa Iloilo Customhouse noong Setyembre 10, 2025.

Pinamunuan ni Marvin M. Castor, Public Affairs Officer ng Isla LPG Corporation, ang delegasyon ng kumpanya sa pakikipagpulong sa pamunuan ng Port of Iloilo. Tinalakay sa pulong ang mga paraan upang higit pang mapalakas ang koordinasyon at mas mapabuti ang ugnayan sa pagitan ng Isla LPG at BOC–Port of Iloilo.

Layunin ng pagpupulong na mapahusay ang daloy ng kalakalan, mapabilis ang mga transaksyon, at matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon ng Bureau of Customs.

Nagpahayag ng pasasalamat si Collector Santua sa pagbisita ng Isla LPG at binigyang-diin ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon sa mga stakeholder. Aniya, mahalagang marinig ang kanilang mga saloobin at hinaing upang masiguro ang tapat, mahusay, at makataong serbisyo mula sa ahensya.

Sa pamumuno ni District Collector Noli P. Santua, Jr. at sa paggabay ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, nananatiling nakatuon ang BOC–Port of Iloilo sa mga pangunahing mandato nito: koleksyon ng kita, pagpapabilis ng kalakalan, at proteksyon ng hangganan, habang pinatitibay ang pakikipag-ugnayan sa mga katuwang sa industriya.

Verified by MonsterInsights