NAGHAIN na kanyang certificate of candidacy (COC) nitong Martes, Oktubre 1 si senator Nancy Binay sa Brgy. Valenzuela community complex sa lungsod ng Makati para tumakbong Mayor ng lungsod.
Bukod sa mga tiga-suporta ni Binay, naghain din ng COC ang kanyang running mate na si Monsour del Rosario bilang vice-mayor.
Kabilang ding sa naghain ang tig-anim na konsehal ni Binay sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA) mula sa distrito uno na sina dating Konsehal Mayeth Casal-Uy, Ferdie Eusebio, Romy Medina at Arlene Ortega at sina Brgy. Tejeros Kagawad Lennie Cosing at Dasmarinas Brgy. Captain Dino Imperial.
Sa distrito dos naman ay nagfile ng kanilang COC sina dating Konsehal Ruth Tolentino at King Yabut at sina dating Guadalupe Nuevo Brgy, Captain Badette Sese, Brgy. Kagawad Levy Ramboyong, dating kagawad Jeff Baluyot at Engr. Mar Hechanova.
Tiniyak ni Binay na ang kanyang pagtakbo ay upang ipagpatuloy ang nasimulang serbisyong ginawa ng kanyang ama na si dating Makati Mayor at Vice President Jejomar Binay .
Inaasahan namang magiging katunggali ni Binay si Cong. Luis Campos na asawa ng kanyang kapatid na si Mayor Abby Binay.
Subalit umaasa pa din si Binay na may sapat pang panahon upang magbago ang isipin ng asawa ng kanyang kapatid at respetuhin ang desisyun ng kanilang ama.
Sa sandaling tuluyan na silang maglaban ng asawa ng kanyang kapatid ay tiniyak naman ni Sen. Binay sa mga Makatizen na ang track record niya sa senado na lamang ang magsasalita kung anong kaya niyang gawin sa lungsod ng Makati at mamamayan nito.
Kaugnay nito dumating din si Junjun Binay sa paghahain ng COC ng kanyang kapatid upang ipakita ang kanyang suporta.
Ayon kay Junjun, nag uusap usap na sila kasama ang kanilang amang si Jejomar Binay na suportahan ang bawat isa sa kanilang tatakbuhing posisyon. (Nino Aclan)