Casa Sarayba: Isang Pamanang Limot sa Alaala

Nagmula sa dating tulog at mabagal na pagsulong na komunidad, kinatatakutan dahil pinamumugaran ng mga taong-labas at kaaway ng batas, ang Lungsod ng General Trias ay nakipagsabayan sa agos ng kompetisyon at ngayon ay isa nang progresibo, maunlad, at matayog na lungsod na dating tinatawag na San Francisco de Malabon Grande. Ito ngayon ay itinuturing na isa sa pinakamaunlad na lungsod ng lalawigan ng Cavite. Nguni’t ang bawat tagumpay ay mayroong kuwento sa likod nito, ang bawat bayan ay mayroong naratibo ng kanyang nakaraan, sa likod ng kanyang kasalukuyan ay mayroong mapait, makulay at masalimuot na nakaraan.

Itinakda ng Kasaysayan: Ang Tahanan bilang Piping Saksi

Isang kapansin-pansing luma ngunit mababakas ang dating karangyaan na tahanan sa lungsod, ay matatagpuan sa gitna ng población ng General Trias. Itinatag noong ika-18 dantaon, ang matandang bahay ng pamilya Gomez-Trias ay siyang kinalakihan ni Padre Manuel Potenciano Trias Y Gomez ng San Francisco De Malabon Grande (ngayo’y Lungsod ng General Trias).  Siya ay naging kura paroko noon ng Parokya ng San Francisco de Malabon Grande hanggang sa panahon ng himagsikan laban sa mga Espanyol. Tiyuhin ni Padre Manuel Trias si General Mariano Trias y Closas na siyang unang pangalawang pangulo ng Republika ng Pilipinas. Ang marangyang tahanan ay ipinatayo nina Doña Maria Dolores Gomez na kapatid ni Padre Mariano Gomez ng martir na GomBurZa at ni Don Jose Trias.

 

Sa kasalukuyan ang nasabing tahanan ay pag-aari ng Pamilya Sarayba.

 

Pagpapanumbalik ng Ningning: Nakatakdang Proyektong Restorasyon

Noong taong 2005, ang Pambansang Suriang Pangkasaysayan (ngayon ay Pambansang Komisyong Pangkasaysayan) ay nagpalabas ng resolusyon bilang 6, na nagdedeklara ng nasabing edipisyo bilang isang Pamanang Tahanan (Heritage House). Isinasaad ng resolusyon na ang nasabing makasaysayang bahay ay nagsilbing tahanan ng pamilya nina Dona Maria Dolores Gomez-Trias at Don Jose Trias, at noong ikalawang digmaang pandaigdig ay nagsilbing garrison ng mga Hapones at matapos ang sigalot ay ginamit bilang isang paaralan. Dahil sa natatanging ganda ng nasabing tahanan, ito ay ginamit bilang set ng ilang mga pelikula kagaya ng “Talipandas” na pinagbidahan ng batikang matinee idol na si Leopoldo Salcedo. Kamakailan lamang, isang kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan sa pamunuan ni Kgg. Luis Alandy Ferrer, IV at ilang kinatawan ng pamilya Sarayba ang nagkaharap at napagkasunduan na ipapanumbalik ang dating karangyaan at ganda ng nasabing edipisyo sa pamamagitan ng public-private partnership na magtatanghal sa nasabing makasaysayang tahanan bilang isang museo, sentro ng lokal na kasaysayan, at repleksyon ng makulay na kultura ng lungsod. (Jeffrey Alfaro Lubang, PhD)

 
%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights