ANG 84-anyos na Chuan Kee, pinakamatandang fastfood chain sa Manila Chinatown, ay nagbukas na ng kanilang kauna-unahang branch sa F. Blumentritt St, San Juan City, para ang mga Filipino-Chinese na naninirahan dito ay ‘di na kailangan pang pumunta ng Ongpin para makakain ng authentic and old-time Chinese favorites.

Si San Juan Mayor Francis Zamora kasama ang may-ari na si Gerie Chua ang nanguna sa ginanap na ribbon-cutting ceremony at blessing na tanda ng pormal na pagbubukas ng restaurant na may sariling kasaysayan at ‘di lamang nag-aalok ng Chinese foods kung saan kilala ang Binondo kundi maging sa staple products ng dalawa pang establishments na nagsisilbing ‘go to’ place sa mga Chinatown visitors na nais bumili at mag-uwi ng kakaibang Chinese food products.
Sa panayam Kay Zamora, labis na ikinagagalak ng alkalde na sa napakaraming lungsod sa Metro Manila ay San Juan ang napiling lugar ni Chua para pagtayuan ng kanilang kauna-unahang branch ng Chuan Kee.
“Kami po dito sa San Juan ay sobrang natutuwa dahil dito sa aming lugar napili ni Gerie unang maglagay ng branch ng isang restaurant na makasaysayang, maalamat o legendary dahil ito ang oldest existing restaurant sa buong Binondo Chinatown,” saad ni Zamora.
Binanggit din ng alkalde na very timely ang pagbubukas ng kauna-unahang Chuan Kee branch sa San Juan dahil isa sa mga tinitutukan ng Zamora administration ay higit pang paunlarin ang lokal na turismo sa San Juan sa pamamagitan ng kanilang pinaplanong paglulunsad ng ‘Food Trail’ sa mga lugar kung saan mayroong inaalok na kakaibang food establishments, di lamang sa sarap ng mga putahe, kundi sa makulay na kasaysayan ng restaurant tulad na lamang ng Chuan Kee na nagsimula pa noong 1940.
Samantala, ipinagmamalaki ng may-ari ng restaurant na si Gerie na hindi ordinaryo at sa Chuan Kee lamang matatagpuan at malalasahan ang mga putahe na nagmula pa sa matagal na panahon sa Fujian, China. Ang pagluluto, rekado at lasa ng mga pagkain sa Chuan Kee ay hindi binago at nanatili sa tradisyunal na paraan na katulad noong unang hinahain ito sa Fujian China.
Kabilang sa mga inaalok na putahe ng Chuan Kee ay ang tradisyunal at masustansyang soups na may Chinese medicinal herbs at spices at kilalang may healing at aphrodisiac effects sa mga hihigop ng sabaw.
Mabibili din sa nasabing lokasyon ang sikat na sikat na ‘hopia ube’ at iba pang produkto na matatagpuan sa Eng Bee Tin grocery stores sa Binondo, Manila, ay mabibili na rin sa San Juan branch.
Ang pinipilahan at sikat na sikat na putahe sa Great Buddha Cafe na tendon rice, ay available din sa newly-opened Chuan Kee Restaurant sa San Juan. (BONG SON)