TAHASANG kinondena ng mga senador ang naganap na pambobomba sa Dimaporo Gym sa Mindanao State University (MSU) habang nagkakaroon ng misa na ikinasawi ng 2 tao at ikinasugat ng maraming indibidwal.
Ayon kina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senadora Grace Poe at Nancy Binay, Senador Jinggoy Estrada, Ronald “Bato” Dela Rosa, Ramon Revilla, Jr., Manuel “Lito” Lapid, at Senador Alan Peter Cayetano hindi katanggap-tanggap at makatao ang naganap na pambobomba.
Nangangamba din ang mga senador sa seguridad ng mga mamamayan lalo na’t hindi manlang iginalang ang idinaraos na misa at ang paaralan na kung saan isang lugar na dapat ay tahimik at payapa.
Dahil dito nanawagan ang mga senador sa Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na gawin ang lahat upang agarang madakip ang nasa likod ng malagim na pambobomba.
Nagpa-abot naman ng pakikiramay ang mga senador sa pamilya ng mga nasawi sa malagim na insidente.
Gayundin ay nagpa-abot ng kanilang simpatya ang mga senador sa pamilya ng mga sugatan at napaslang.
Umaasa naman ang mga senador na mahuhuli sa lalong madaling panahon ang mga taong nasa likod ng krimen.
Naniniwala naman si dela Rosa na ito ay gawa ng terorista dahil hindi ito magagawa ng isang tunay na muslim at kristiayano lalo na’t maganda ang relasyon ng mga ito sa bawat isa. (Nino Aclan)