Hindi Dapat Gawing Panangga ng Tsina ang mga Pilipino - Goitia
Mariing kinondena ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang umano’y paggamit sa mga Pilipinong manggagawa bilang panangga sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Chinese Foreign Ministry ang aksyon laban sa mahigit 100 Pilipino dahil umano sa ilegal na pagtatrabaho at pananatili sa China.
Tinawag naman ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang hakbang na “plain and simple extortion and blackmail,” at sinabing maaari itong pagganti sa mga operasyon ng Pilipinas laban sa mga Chinese national.
Sa pahayag noong Agosto 13, iginiit ng Department of National Defense (DND) na isinagawa ang mga operasyon laban sa mga Chinese national batay sa mga search warrant na inilabas ng korte. Kabilang umano sa mga inaresto ang mga indibidwal na sangkot sa mga ilegal na negosyo.
Binigyang-diin ng DND na hindi maaaring tutukan lamang ng China ang visa at passport concerns ng kanilang mga kababayan habang binabalewala ang mga ilegal na gawaing iniimbestigahan ng mga awtoridad ng Pilipinas.
Ayon kay Goitia, hindi dapat gamitin ang mga Pilipino upang gipitin ang pamahalaan ng Pilipinas.
“Hindi maaaring gamitin ang mga Pilipinong manggagawa para gipitin ang pamahalaan ng Pilipinas. Iyan ay pamimilit, hindi diplomasya,” ani Goitia.
Iginiit din niya na may karapatan ang Pilipinas na ipatupad ang sariling batas sa loob ng teritoryo nito, anuman ang nasyonalidad ng iniimbestigahan.
“Walang veto ang Tsina sa batas ng Pilipinas. Kung may Chinese national na lumabag sa ating batas, dapat siyang dumaan sa tamang proseso. Hindi dahilan ang kanyang nasyonalidad para siya ay palampasin,” dagdag niya.
Lalong naging mainit ang usapin matapos ang kontrobersyal na video ng China Daily na naglarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy, na kinondena ng Manila bilang racist, mapanghamak at nakabababa sa dignidad ng mga Pilipino.
Para kay Goitia, kailangan ng Pilipinas ang matatag na paninindigan, ngunit hindi ang walang-ingat na komprontasyon.
“Nais natin ng kapayapaan, hindi pagpapasakop. Hindi maaaring tawaran ang dignidad ng Pilipino at soberanya ng Pilipinas,” aniya.
Binigyang-diin niyang maaaring ipagpatuloy ng Pilipinas ang diplomasya sa China habang pinoprotektahan ang mga Pilipino at ipinagtatanggol ang sariling batas.
“Isa tayong malayang bayan. Walang dayuhang kapangyarihan ang may karapatang magtakda ng ating halaga,” ani Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Nagtapos siya ng Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), at may mga advanced degree sa MNSA, MPA at MBA. (Bong Son)
