BOC, Kinilala ng BIR sa Matatag na Kooperasyon sa Revenue Collection
Kinilala ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Bureau of Customs (BOC) dahil sa matatag nitong pakikipagtulungan at suporta sa mga programa at inisyatiba ng ahensya para palakasin ang pangongolekta ng kita ng pamahalaan.
Iginawad ang pagkilala sa BOC bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-122 anibersaryo ng BIR noong Hulyo 31, 2026, na may temang “Husay at Dangal ng Lingkod-Bayan ng BIR.”
Tinanggap ni Assistant Commissioner Atty. Vincent Philip C. Maronilla ang parangal sa ngalan ng BOC, na nagpapakita umano ng patuloy na pangako ng ahensya na palakasin ang koordinasyon at ugnayan sa iba pang sangay ng pamahalaan.
Kabilang ang BOC sa mga kinilalang “BIR KAAGAPAY,” bilang pagkilala sa mahalagang ambag nito sa pagsusulong ng dekalidad na serbisyo publiko na nakabatay sa integridad, propesyonalismo at matibay na ugnayang institusyonal.
“Ang parangal na ito ay para sa lahat ng bumubuo sa Bureau of Customs na patuloy na ginagampanan nang buong husay at integridad ang kanilang mga tungkulin,” ani Maronilla.
Ipinunto rin niya na ipinakikita ng pagkilala ang kahalagahan ng matibay na koordinasyon sa pagitan ng BOC at BIR upang maging maayos at epektibo ang pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.
Malugod namang tinanggap ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang parangal at sinabi niyang patunay ito sa kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno upang makapaghatid ng mas makabuluhang resulta para sa publiko.
“Ang pagkilalang ito ay patunay na kapag nagtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan, mas malaki ang ating nagagawa para sa bayan,” ani Nepomuceno.
Ayon sa komisyoner, patuloy na isinusulong ng BOC ang mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang revenue collection, sugpuin ang katiwalian at gawing mas mabilis, episyente at transparent ang serbisyo publiko.
Sa ilalim ng Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) BOC Movement, patuloy ding pinatitibay ng ahensya ang pakikipag-ugnayan sa iba pang tanggapan ng pamahalaan at isinusulong ang mga repormang institusyonal.
Layunin nito na mapahusay ang pangangasiwa sa pangongolekta ng kita, mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko at suportahan ang whole-of-government approach para sa pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya.
“Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, mas mapapalakas natin ang tiwala ng mamamayan at maiaangat ang antas ng serbisyo para sa bawat Pilipino,” dagdag ni Nepomuceno. (BONG SON)
