Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na manatiling naka-full alert at tiyakin ang kaligtasan ng mga residente sa mga lugar na nanganganib dahil sa Tropical Storm Maymay at pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat.
Sa press briefing sa Malacañang nitong Huwebes, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ipinag-utos ng Pangulo ang agarang pagpapatupad ng mga hakbang sa paghahanda at pagtugon sa kalamidad upang mabawasan ang epekto ng sama ng panahon at maprotektahan ang mga mamamayan.
“Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahandaan ng pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente sa mga apektadong lugar,” ani Castro.
Ayon kay Castro, isinailalim na sa full alert status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), habang inatasan ang lahat ng miyembrong ahensya nito na ipatupad ang mga kinakailangang paghahanda para sa mabilis at maayos na pagtugon sa anumang emerhensiya.
Nagpatupad na rin ng mahigpit na preemptive evacuation sa mga lugar na mataas ang panganib sa pagbaha, pagguho ng lupa at storm surge upang maiwasan ang posibleng pagkawala ng buhay.
Samantala, sinabi ni Castro na naglaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian, ng halos P1.8 bilyon para sa humanitarian assistance ng mga maaapektuhan ng bagyo at Habagat.
Sa Metro Manila, sinabi niyang nakahanda na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa pangunguna ni Chairman Romando Artes, kung saan naka-preposition na ang mga rescue team at kagamitan at mahigpit na nakikipag-ugnayan sa disaster risk reduction offices at 17 lokal na pamahalaan sa National Capital Region.
Aniya, operational na rin ang lahat ng 73 pumping stations sa Metro Manila, habang nakaantabay ang mga mobile pumping units at isinasagawa na ang preemptive pumping operations upang mapataas ang kapasidad ng mga daluyan ng tubig at mabawasan ang pagbaha.
Iniulat din ni Castro na nakapag-preposition na ang DSWD ng relief supplies at pondo para sa mga maaapektuhang pamilya. Nakapamahagi na rin ito ng family food packs, ready-to-eat food, at sleeping kits sa Benguet, La Union, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Albay at Zamboanga City.
Dagdag pa niya, mahigit limang milyong family food packs ang nakahanda sa buong bansa, bukod pa sa mahigit P1.6 bilyong standby funds at iba pang relief resources na maaaring gamitin sa emergency response operations.
“Sa kabuuan, umabot na sa mahigit 5 million family food packs ang inihanda ng pamahalaan para sa mga apektadong lugar samantalang aabot sa higit P1.6 billion ang standby funds sa buong bansa,” ayon kay Castro.
Hinimok ng Malacañang ang publiko na manatiling mapagmatyag, subaybayan ang mga opisyal na abiso ng panahon, at makipagtulungan sa mga lokal na awtoridad, lalo na sa mga lugar na isinailalim sa preemptive evacuation, habang patuloy na nakaaapekto sa bansa ang Tropical Storm Maymay at ang pinalakas na Habagat. / (LB)
