Kaunlaran at Soberanya, Magkasabay na Itinaguyod sa SONA 2026

Binigyang-diin ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na malinaw na ipinakita sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang direksiyon ng bansa tungo sa mas matatag na ekonomiya, mabuting pamamahala, at matibay na pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas.

Ayon kay Goitia, higit pa sa pag-uulat ng mga nagawa ng administrasyon, nagsilbing pahayag ng pambansang direksiyon ang SONA sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa pagpapaunlad ng ekonomiya, pagpapalakas ng mga institusyon, at pagpapanatili ng pambansang seguridad.

Kabilang sa mga inilahad ng Pangulo ang mga hakbang sa imprastraktura, agrikultura, kalusugan, edukasyon, at pamumuhunan. Tinalakay rin niya ang tax relief para sa mga manggagawa at maliliit na negosyo, mga hakbang upang mapababa ang singil sa kuryente, at pinaigting na kampanya laban sa katiwalian, kabilang ang pagsisiyasat sa mga maanomalyang proyekto sa flood control.

“Ang tunay na batayan ng liderato ay hindi ang mga pangako kundi ang mga nagagawa. Ipinamalas ni Pangulong Marcos ang pag-unlad sa pamamahala, serbisyong pampubliko, at pananagutan. Ito ang saligan ng isang mas matatag na Republika,” ani Goitia.

Ayon pa kay Goitia, isa sa pinakamahalagang bahagi ng SONA ang muling paggiit ng Pangulo sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea batay sa 2016 Arbitral Award at ang paninindigang ipagtatanggol ito sa mapayapa at naaayon sa pandaigdigang batas.

Sa kanyang talumpati, nagbigay-pugay si Pangulong Marcos sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas, Philippine Coast Guard, at mga Pilipinong mangingisda na patuloy na nagtatanggol sa karapatan at interes ng bansa sa West Philippine Sea.

Binigkas din ng Pangulo ang naging pinakatumatak na bahagi ng kanyang mensahe:

“Ang Pilipino ay marangal, mabuti, magalang, at dakila. Hindi tayo sakim. Hindi tayo rasista. Hindi tayo sinungaling. Tayo ay may paggalang at may dangal. Tayo ay mga Pilipino, at hindi tayo sumusuko.”

Sinabi ni Goitia na ipinakita ng Pangulo ang isang patakarang panlabas na matatag sa pagtatanggol sa soberanya habang nananatiling nakabatay sa pandaigdigang batas.

“Ang 2016 Arbitral Award ay isa sa pinakamahalagang tagumpay ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado. Walang propaganda, pananakot, o kasinungalingan ang makapagpapabura sa kinilala at pinagtibay na ng pandaigdigang batas. Ipinakita ni Pangulong Marcos na ang tunay na pagtatanggol sa soberanya ay hindi nakasalalay sa matatapang na salita kundi sa may prinsipyong diplomasya, matatag na mga institusyon, at matibay na paninindigan para sa bawat Pilipino,” ani Goitia.

Habang papalapit ang huling yugto ng panunungkulan ng administrasyon, sinabi ni Goitia na ang pinakamahalagang hamon ay ang pagpapatuloy at pagpapatibay ng mga repormang inilunsad ng pamahalaan.

“Ang pag-unlad ng ekonomiya ay lumilikha ng pagkakataon. Ang mabuting pamamahala ay nagbubunga ng tiwala. Ang bansang mahusay mamahala sa loob ng sariling teritoryo ay higit na matatag sa pagtatanggol ng kanyang mga karapatan at pambansang interes,” aniya.

Para kay Goitia, iisa ang naging pangunahing mensahe ng ikalimang SONA—na magkasabay na isinusulong ang kaunlaran at soberanya. Aniya, ang matatag na ekonomiya, tapat na pamamahala, at matibay na pagtatanggol sa lehitimong karapatan ng Pilipinas ay magkakaugnay na bahagi ng iisang pambansang adhikain.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). (Bong Son)

Verified by MonsterInsights