Mas Malalim na Kooperasyong Pang-ekonomiya ng Saudi at Pilipinas,
Isinusulong sa Ilalim ng Vision 2030
Nanawagan ang isang opisyal ng mas malalim na kooperasyon sa pagitan ng Saudi Arabia at Pilipinas sa larangan ng pamumuhunan, serbisyo, food security, enerhiya, at human capital development, kasabay ng patuloy na pagpapatupad ng Saudi Vision 2030.
Sa isang eksklusibong panayam sa Okaz, sinabi ni Dr. Jose Antonio Ejercito Goitia, chairman at president ng JACCG Holdings, Inc., na panahon na upang lampasan ng dalawang bansa ang tradisyunal na ugnayang nakasentro sa paggawa at remittances at palawakin ito tungo sa mas matatag na ugnayang pang-ekonomiya.
“Ang trabaho ang nagsilbing tulay upang mabuo ang tiwala ng ating dalawang bansa, ngunit ang tiwala ang tunay na pundasyon ng ugnayang ito. Ang nakikita natin ngayon ay ang paggamit sa matibay na pundasyong iyon para sa mas mataas na layunin,” ani Goitia.
Ayon kay Goitia, matagal nang naging mahalagang katuwang ng Saudi Arabia ang mga Pilipino sa iba’t ibang sektor tulad ng kalusugan, inhinyeriya, edukasyon, konstruksyon, hospitality, at iba pang industriya, dahilan upang mabuo ang matibay na relasyon ng dalawang bansa.
Aniya, nagbukas ang Saudi Vision 2030 ng mas maraming oportunidad hindi lamang para sa mga manggagawang Pilipino kundi maging sa mga negosyo, institusyong pang-edukasyon, service providers, agribusinesses, at maliliit at katamtamang laki ng mga negosyo sa Pilipinas.
“May pananaw na ang papel lamang ng Pilipinas ay magpadala ng mga manggagawa. Naniniwala akong mas malaki ang maiaambag natin sa pamamagitan ng ating mga negosyo, institusyon, at mga negosyante, kasabay ng ating mga kababayang matagal nang bahagi ng pag-unlad ng Saudi Arabia,” aniya.
Tinukoy ni Goitia ang food security, renewable energy, at advanced technologies bilang ilan sa mga sektor na may malaking potensiyal para sa mas malawak na kooperasyon ng dalawang bansa.
Gayunman, sinabi niyang hindi sapat ang matibay na ugnayang diplomatiko upang maisakatuparan ang mga layuning ito.
Ipinaliwanag niyang kinakailangan ding palakasin ang ugnayan ng pribadong sektor upang maisalin ang matagal nang tiwala sa kongkretong pamumuhunan, mga proyekto, at pangmatagalang pakikipagtulungan.
Binigyang-diin din ni Goitia na ang pinakamalaking lakas ng relasyon ng Saudi Arabia at Pilipinas ay nananatiling ang matibay na ugnayan ng kanilang mga mamamayan na nabuo sa pamamagitan ng magkatuwang na pagtatrabaho, pamumuhay, at pagtatayo ng mga komunidad sa loob ng maraming dekada.
“Mayroon na tayong tiwala sa isa’t isa. Ang susunod na hakbang ay gawing kongkretong mga proyekto ang tiwalang iyon, mga proyektong kapwa maipagmamalaki at mapakikinabangan ng Saudi Arabia at Pilipinas,” ani Goitia.
Ayon kay Goitia, ang susunod na yugto ng ugnayan ng dalawang bansa ay nakasalalay sa pagpapalawak ng kooperasyong pang-ekonomiya at pamumuhunan habang pinananatili ang matibay na samahang itinayo sa tiwala, pagkakaibigan, at matagal nang pakikipag-ugnayan ng mga mamamayan ng Saudi Arabia at Pilipinas.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA, bukod pa sa iba. (BONG SON)
