Pilipinas No. 1 pa din pagdating sa budget transparency
BATAY SA INTERNATIONAL BUDGET SURVEY, BUDGET TRANSPARENCY TUMAAS SA ILALIM NG LIDERATO NI DBM SEC. MINA PANGANDAMAN

Muling kinilala ang Pilipinas bilang nangungunang bansa sa Southeast Asia pagdating sa budget transparency, ayon sa resulta ng 2025 Open Budget Survey (OBS).
Ang OBS ay isang pandaigdigang pagsusuri na sumusukat sa antas ng transparency, accountability, at public participation sa pamamahala ng badyet ng mga pamahalaan. Sa pinakahuling survey, na sumaklaw sa 86 bansa, nagtala ang Pilipinas ng fiscal transparency score na 76 mula sa 100.
Dahil dito, nanatili ang bansa sa unang puwesto sa Southeast Asia at ika-10 naman sa buong mundo sa usapin ng budget transparency.
Isinagawa ang naturang survey noong 2025 sa panahon ng panunungkulan ni dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman.
Ayon sa mga opisyal, ang pagkilalang ito ay hindi lamang tagumpay ng dating kalihim kundi karangalan din ng buong bansa at ng bawat mamamayang Pilipino.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na nanguna ang Pilipinas sa budget transparency sa rehiyon. Unang naitala ang naturang tagumpay noong 2023, sa ilalim din ng pamumuno ni Pangandaman sa DBM.
Ang Open Budget Survey ay kinikilala bilang tanging independiyente at komparatibong pagsusuri sa buong mundo hinggil sa budget accountability ng mga pambansang pamahalaan. Ito ay pinangangasiwaan ng International Budget Partnership (IBP), na regular na nagsasagawa ng ebalwasyon sa mga proseso ng pambansang badyet upang maisulong ang mas mataas na antas ng mabuting pamamahala at pananagutan sa iba’t ibang bansa. (NINO ACLAN)
